2014

“KATAPUSAN na yata ng mundo,” sabi sa akin ng isang kaibigang taga-Mindanao. “Totoo yata ang sinasabi ng Mayan calendar.”

Makailang beses na umanong niyayanig ng aftershock ang Dipolog City, kung saan siya nakatira ngayon, at mga kalapit-lugar nito.

Ang tinutukoy niyang lindol ay ang nanalanta sa Negros Oriental na ikinamatay ng mahigit 30 katao, na maaaring madagdagan pa dahil mahigit 70 pang katao ang hindi natatagpuan.

Ang sinasabi naman niyang kalendaryo ng Mayan, isang lumang sibilisasyon sa kontinente ng Amerika, ay nagsasabing matatapos kuno ang daigdig sa ika-20 ng Disyembre 2012.

Ngunit ito ay isang ispekulasyon lamang. Mas malamang na natatapos lamang ang Mayan calendar sa nabanggit na petsa at magsisimulang muli sa susunod na araw, Disyembre 21, 2012.

Sa sub-sector ng mga magtatraysikel sa loob ng mas malawak na sektor ng transportasyon, ang kinatatakutang taon ay hindi 2012 kundi 2014.

Sa taong 2014 itinakda ng pamahalaan na i-total phase-out ang two-stroke na traysikel at lahat ay dapat na four-stroke na.

Maganda ito sa pagsusulong ng mas malinis na kapaligiran dahil ‘di hamak na mas mausok ang una kumpara sa huli.

Wala tayong argumento dito.

Ang ibig lamang nating pansinin ay ang tila kawalan ng plano ng pamahalaan upang matulungan ang mga magtatraysikel sa transisyon.

Maaaring masabing malayo pa naman ang 2014; dalawang taon pa. Ngunit lumilipad ang panahon at ang lalim at lawak ng suliranin ay maaaring napakabigat.

Kailan lamang ay nakipagkwentuhan ako sa ating mga kasama sa Marikina City at napag-alaman kong sa mahigit 3,000 yunit ng traysikel sa nasabing siyudad ay 70 porsyento sa mga ito ay two-stroke.

Sa isang lugar pa lamang ito.

Kung susumahin ang lahat ng yunit ng traysikel sa buong Pilipinas, aabot ang bilang sa 6 na milyon.

Ayon sa aking mga kausap, sa antas na ito ay mas mahigit pa sa 70 porsyento ang two-stroke na unit.

Kayo na ang kumuwenta.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply