27 OFW mula Syria darating sa bansa

PANIBAGO na namang batch ng Overseas Filipino Workers (OFWs) ang darating sa bansa mula sa Damascus, Syria ngayong hapon.

Aabot sa 27 ang mga kababaihang OFW na uuwi ng bansa matapos na mag-avail ng repatriation program ng gobyerno sa naturang bansa dahil sa kaguluhan doon.

Lulan ang mga OFW sa Emirates Airlines (EK) flight no.334 na lalapag mamayang hapon sa Ninoy Aquino International Airport(NAIA).

Pawang mga distressed worker ang mga nasabing OFW  na pansamantalang namalagi noon sa Emabahada ng Pilipinas sa bansang Syria.

Napag-alaman na ang 27 OFW ay  ang mga Pinoy na hindi nakasabay sa mga naunang umuwi noong Pebrero 25 dahil sa kakulangan ng sapat na dokumento.

Dalawa sa mga nasabing OFW ay nagmula sa lugar ng Homs na sentro ng kaguluhan doon sa Syria.

Sa ngayon ay patuloy pa ring ipinapatupad ang crisis alert level 4 sa Syria na nangangahulugan na nasa ilalim pa rin ito ng mandatory evacuation ng Department of Foreign Affairs (DFA).

Samantala, nananawagan naman ang DFA sa publiko na may mga kamag-anak sa naturang bansa na makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan para mabilis na malaman ang kalagayan ng iba pang mga OFW doon at upang agad na maibigay sa mga ito ang kaukulang tulong mula sa gobyerno.

Sa mga nais na dumulog sa DFA maaring makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan sa Office of the Undersecretary for Migrant Workers’ Affairs (DFA-OUMWA)  o tumawag sa (02) 834-3245 at (02) 834-3240.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply