42 kada 1,000 bata namamatay bago ang ika-5 taong kaarawan

UMAABOT na sa 42 kada 1,000 bata sa bansa ang binabawian ng buhay bago pa man sumapit ng kanilang ika-5 taong kaarawan.

Bunsod nito, hinikayat ng pamahalaang lokal ng Muntinlupa ang mga magulang na gawing malusog ang kanilang mga anak sa tulong ng programang “Garantisadong Pambata.”

Karamihan sa mga karamdamang nararanasan ng mga batang binabawian ng buhay batay sa istatistika ng Department of Health (DOH) ay pagtatae, pneumonia, at undernutrition dulot ng kakapusan sa masusustansiyang pagkain.

Sa ilalim ng programang “Garantisadong Pambata,” magbibigay ang City Health Office ng libreng immunization, pagpupurga at pagbibigay ng bitamina A.

Nagsimula ang ang libreng serbisyo na ito nitong nakalipas na Lunes (Pebrero 20) at magtatapos sa Mayo 14.

Ang programang “Garantisadong Pambata” ay programa ng DOH na nagbibigay ng libreng serbisyong pangkalusugan para sa mga bata.

Sa ilalim ng programang ito, ang pagbibigay ng bitamina A ay para sa mga bata na nasa edad 6-buwan hanggang 5-taong gulang habang ang immunization naman ay ibibigay para sa mga bagong panganak na sanggol hanggang 11-buwang gulang.

Samantala, ang mga magulang at mga guardians ng mga paslit na ito ay isasailalim naman sa maikling seminar upang higit na mabigyan ng sapat na kaalaman sa edukasyong pangkalusugan.

Ito ay hinggil sa kabutihang dulot ng breastfeeding, pangangalaga ng ngipin, fortified food products at kapakinabangan sa paggamit ng iodized salt.  Ituturo naman sa mga mag-asawa ang pagpaplano ng pamilya.

Sinabi ng pinuno ng CHO, maaaring dalhin ng mga magulang ang kanilang mga anak (kung ang mga gulang ay nabanggit sa itaas) sa pinakamalapit na health center sa kanilang lugar. Johnny F. Arasga

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply