6 pa ipina-subpoena ng prosekusyon

ANIM na personalidad pa ang hiniling ng prosekusyon na tumestigo sa impeachment trial laban kay Chief Justice Renato Corona.

Hinimok ng prosekusyon ang impeachment court na padalhan ng subpoena duces tecum si Enrique Javier, vice president ng Philippine Airlines upang dalhin sa Senado bukas, Martes, Pebrero 21, ganap na alas-10:00 ng umaga ang roundtrip ticket ni Corona noong Nobyembre 4, 2011 nang magtungo siya sa Estados Unidos.

Ang pagtestigo ni Javier ay kaugnay sa Article 3 ng impeachment na may kinalaman sa diumano’y pabago-bagong desisyon ng Supreme Court sa kaso ng PAL at Flight Attendants and Stewards Association of the Philippines (FASAP).

Mula sa ABS-CBN ay apat na empleyado nito ang nais ng prosekusyon na padalhan ng subpoena ad testificandum kabilang sina Danny Piedad, Jay Salonga, Ruben Bautista at Nestor Conato, bukas din Martes, upang kumpirmahin ang mga video na lumabas kaugnay sa tangkang pagtakas diumano ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Pang-anim na nais ng prosekusyon na padalhan ng subpoena ad testificandum et duces tecum ay si Marianito Dimaandal, records custodian ng Office of the President.

Nais ng prosekusyon na iharap ni Dimaandal ang mga dokumento ukol sa appointment ni Ginang Arroyo kay Corona bilang Presidential Chief of Staff, Presidential Spokesman, Executive Secretary, bilang mahistrado at Chief Justice ng Supreme Court.

Nauna rito, inihayag ni House Majirity Floorleader Neptali Gonzales II na babawasan ng prosekusyon ang walong article of impeachment at sa halip ay pagtutuunan ng pansin nila ang Article 2, 3 at 7.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply