Alay-Kapwa sa Kuwaresma suportahan – Tagle

ISANG Liham-Pastoral ang inilabas ng bagong arsobipo ng Maynila na si Luis Antonio G. Tagle, na siya ring chairman ng Caritas Manila.

Sa Liham-Pastoral, hinihikayat ni Arsobispo Tagle na suportahan ng lahat ang Alay-Kapwa ngayong Kuwaresma sa pamamagitan ng pagsuporta at pagbibigay sa mga espesyal na pangalawang koleksiyon.

Ang pangalawang koleksiyon para sa Alay Kapwa ay gagawin sa anim na Linggo ng Kuwaresma mula Pebrero 26 hanggang unang araw ng Abril.

Ang koleksiyong makakalap sa anim na Linggo ay magsisilbing pondo sa panahon ng mga krisis at kalamidad sa buong bansa kagaya ng ginawang pagtulong ng Caritas sa nakaraang pagsalanta ng bagyong Sendong, at ang hindi pa rin makakalimutang pinsala ng super-bagyong si Ondoy.

Milyong halaga na ang naitulong ng Caritas Manila para sa mga relief at programang pang-rehabilitasyon sa mga lugar na tinamaan ng malupit na sakuna at kalamidad, hindi lamang sa loob kundi maging sa labas ng bansa. Tumulong ang Caritas Manila sa Indonesia nung may tsunami doon, sa lindol sa Haiti, at sa nuclear disaster sa Fukushima sa Japan.

Sa lugar na nasalanta ng bagyong Sendong, anim na milyong pisong tulong ang ipinadala ng Caritas Manila at tatlong-truck ng mga materyal na donasyon.

Isa sa malaking pinagkukunan ng Caritas Manila sa pagtulong sa panahon ng krisis at Kalamidad ay ang Alay Kapwa mula sa koleksiyon sa panahon ng Kuwaresma.

Ayon sa Liham Pastoral, ang Alay Kapwa ay ang programa ng Simbahan tuwing Kwaresma na nagmumulat sa atin sa mga suliranin sa lipunan at sa kalagayan ng mga mahihirap at api bilang pag-tulad sa ating Panginoong Hesus na nagbigay ng kaniyang Sarili para sa ating lahat.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply