Aleli Arroyo pinagbabayad ng UK court

PINAGBABAYAD ng korte sa United Kingdom (UK) ang asawa ni Negros Occidental Rep. Ignacio “Iggy” Arroyo ng lahat ng ginastos sa legal proceedings at funeral ng kanyang asawa.

Sa report, iniutos ni Justice Peter Smith sa final hearing para sa pag-uuwi ng mga labi ng kongresista, na bayaran ni Aleli Arroyo ang halagang posibleng umabot sa £94,000 o P6 milyon.

Kasama sa mga babayaran ni Aleli ay ang legal fees ng JH Kenyon/Dignity na tinatayang £29,000, funeral cost na aabot sa £15,000 at legal fees ni Grace Ibuna at ng Arroyo sisters na sina Bianca at Dina na umaabot sa £50,000.

Hindi naman malinaw sa utos ng korte kung sasagutin din ni Aleli ang gastos sa pag-uuwi ng mga labi ni Rep. Iggy.

Ngunit aminado si Justice Smith na posibleng mabalewala ang kanyang desisyon dahil hindi sakop ng UK ang Philippine law kung saan dadalhin ang bangkay ng kongresista.

Matatandaang sinabi ni Atty. Lorna Kapunan, abugado ni Aleli, na wala silang intensyong humarap sa UK court dahil hindi nila kinikilala ang hurisdiksyon nito sa kaso.

Wala pang reaksyon ang funeral homes sa London kung sino ang kanilang sisingilin sakaling tumangging magbayad si Aleli.

Ang Arlington Funeral Homes ang tatanggap ng mga labi ni Rep. Iggy pagdating nito sa Pilipinas, ngunit hindi pa alam kung kailan  ito maiuuwi.

Sa imbestigasyong isinagawa ng Remate, napag-alaman na maging si Aleli umano ay hindi rin legal na asawa ni Iggy kaya wala itong karapatang maghabol sa mga kayamanan ng namatay na solon.

Ayon sa mapagkakatiwalaang source, may unang naging asawa si Iggy na pinakasalan niya ngunit nag-file ito ng annulment.

Matapos umanong madesisyunan ang annulment ni Iggy at ng kanyang unang asawa ay pinakasalan nito si Aleli, na nagsumite rin ng annulment sa korte, ngunit hindi pa ito nadedesisyunan.

Ayon sa source, hindi madesisyunan ang kaso ng kasal ni Aleli kay Iggy dahil hindi pala naisumite ng unang asawa ng kongresista ang desisyon ng korte sa publiko.

Sa simula pa lamang umano ay walang bisa ang kasal nina Iggy at Aleli dahil hindi na-consume ang annulment ng solon sa unang asawa.

Ayon pa sa source, kung meron mang may karapatang maghabol, iyon ay ang unang asawa ni Iggy.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply