All out ‘war’ ng Malabonians vs basura

MASIDHI ang determinasyon ni Acting Mayor Lenlen Oreta lll na magkaroon ng resulta ang isinasagawang anti-littering caravan sa Malabon.

Kung bakit? Aba’y walang puknat ang pagbisita ni AM Lenlen sa mga barangay para ipaliwanag ang kahalagahan ng anti-littering ordinance.

Batid natin yan dahil ang  Public Information Office at ang inyong lingkod ay katuwang sa pagpapalaganap ng nasabing ordinansa.

Kasama niya ang mga konsehal, opisyales at kawani ng lokal na pamahalaan sa pag-ikot sa iba’t ibang lugar sa lungsod. Bawa’t konsehal ay may paliwanag tungkol sa ordinansa na ito na pinaniniwalaang magdadala ng kabuthihan para sa Malabon.

Kahit pagod sa ibang trabaho, walang kiming sumasama kay AM Lenlen sa pag-ikot sa mga barangay sina Konsehal Paulo Oreta, Tato Epiritu, Rufing Bautista, Payapa Ona, Edralin Yanga, Edwin Dimagiba, Merlin Mañalac, Maricar Torres, Leslie Yambao, Dado Cunanan, Jimmy Dumalaog, Eddie Nolasco, Ian Borja at Jerome Manalastas.

Bilang officer-in-charge ng City Environment ang Sanitation Office, malaki ang ginagampanan ni Mark Mesina sa detalyado nitong pagpapaliwanag tungkol sa naturang anti-littering ordinance.

Sumisigla naman ang mga residente sa bawa’t malulutong na bigkas ni Rey Moreno, head ng Urban Poor Affairs Office ng “Malinis na lungsod, lahat ay panalo,” ang sumisikat na slogan ng proyekto.

Sa ganitong malaking programa na nakasalang sa isang lungsod tulad ng Malabon na ang mamamayan ay kulang ang disiplina, para kang sumusungkit ng bituin maabot lamang ang minimithing magandang bagay na idudulot nito sa mga residente.

Mahirap ang ginagawang pag-ikot ni AM Lenlen at ng kanyang mga kasamang konsehal, department heads at kawani ng lungsod sa mga barangay para ipaliwanag ang kahalagahan ng nasabing ordinansa.

Nguni’t kung kapalit nito ay magandang resulta – tulad ng kalinisan ng kapaligiran na siguradong magdadala ng kasaganaan sa lungsod at mamamayan.

Aba’y, hindi bale nang mapagod, kung may kahihinatnan naman ang proyekto.

Sana, ang isinasakatuparang  caravan na ito na pinaghihirapang ipaabot ng pamahalaang lungsod sa mga residente ay magsilbing inspirasyon ng bawa’t taga-Malabon para sa ikatatagumpay ng anti-littering ordinance.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply