Anak ni Orate nagpasaklolo sa NBI

NAGPASAKLOLO na sa National Bureau of Investigation (NBI) ang anak ng napaslang na dating boyfriend ni dating Quezon City Rep. Nanette Castelo Daza para sa masusing imbestigasyon kaugnay sa pagkamatay ng kanyang ama.
Nagtungo kahapon (Pebrero 13) sa tanggapan ng NBI si Noel Orate, Jr., anak ng biktimang si Noel Orate, Sr., upang himingi ng tulong matapos na madismaya sa isinampang kasong homicide laban sa sinasabing suspek na si Allan Robles na provincial board member sa Bulacan.

“Hindi kami naniniwala na homicide lang dapat ang ikinaso sa akusado. Kaya kami nandito ay para hilingin sa sa NBI na mag-conduct ng thorough investigation sa kaso,” ayon sa batang Orate.

Bukod dito, hiniling din ng batang Orate ang proteksyon para sa kanilang pamilya dahil matapos aniya ang insidente ay may umaaligid na sa labas ng kanilang bahay sa Diliman, Quezon City at lagi aniyang may nagmamatyag sa bawat galaw nila.

“Ang aming pamilya ay isang ordinaryong pamilya. Wala ho kaming koneksyon sa mga pulitiko. Hindi ho kami makapangyarihan. Ang kalaban namin, konektado, maimpluwensya,” saad nito.

“Humihingi kami ng tulong na proteksyunan ang aming pamilya dahil natatakot kami.”

Dumating sa NBI si Orate Jr., kasama ang kanyang abogado na si Atty. Doy Bringas dala ang ilang domumento at ebidensya sa NBI-death investigation Division (NBI-DID) kabilang ang death certificate, resulta ng paraffin tests, affidavit of arrest at sworn affidavit ng taong sangkot sa krimen.

Base sa naunang report, si Orate Sr. ay inakusahang lasing na nagtungo sa bahay ng dating konsehal at sinasabing nagtangka itong manghostage kaya ibinaba sa homicide ang isinampang kaso laban sa Bulacan Board member.

“Malabo hong mangyari iyon, dahil based sa facts na hawak namin paano magiging hostage crisis iyon eh ang baril niya nakasafety hook. Kung mangho-hostage ka ng tao, itututok mo sa tao, naka-safety? Tapos ang bala ho, kumpleto pa ho, 14 bullets,” ayon sa batang Orate .

“Pumunta raw ang daddy ko doon ng lasing, pagkatapos uninvited ho. Kung lasing po ang aking ama, bakit niya naiparada ang kotse ng maayos? Nakikita sa mga litrato na maayos ang pagkakaparada,” ani Orate.

Dagdag pa ni Orate Jr., na mahigpit ang seguridad sa village at maging ang mga kasambahay ni Daza ay magpapatunay aniyang hindi nagpumilit pumasok ng bahay ang kanyang ama.
“Wala pong forced entry na naganap. Kung ayaw nilang papasukin ang aking ama, bakit nakalusot siya dire-deretso?”

Sa huli,hustisya pa rin ang hinihiling ng pamilya Orate gayundin hinihiling nila na mabigyan sila ng proteksyon  dahil natatakot sila sa kapangyarihang meron ang kanilang kalaban dahil ito ay pulitiko. Jocelyn Tabangcura-Domenden

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply