Ang EDSA 1 at ang problema sa langis

ANO na tayo ngayon sa ika-26 na taon ng orig na EDSA Revolt?

‘Yun bang === tinatawag na EDSA 1.

Siyempre, hindi natin maiwasang balikan ang mga naganap noong Martial Law na winakasan ng milyon-milyong mamamayan sa pamamagitan ng People Power noong Pebrero 22-25, 1986.

Noon, ang kapitan ng barangay ay binalewala.

Isang patrolman o isang corporal lang ng Philippine Constabulary ang kapalit niya.

Kung may pistol at may bitbit na armalite si patrolman o si corporal, siya na ang kapitan.

‘Yung tinyente o kapitan naman ng PC o militar ang mayor. At yung mga colonel naman ang mga gobernador.

‘Yung mga alalay ni Manong Ferdie ay pawang mga heneral.

Buong Pinas ang kinontrol nila. Sila ang naging Diyos.

Ang daming pinatay noon, ang daming ibinilanggo.

Hanggang sa maghirap nang husto ang nakararami habang payaman naman ng payaman ang mga heneral at mga crony at mismong mga taga-Palasyo.

Lupa, negosyo, pati hapi-hapi, sa kanila lahat ng mga may kontrol sa gobyerno.

ANG NEGOSYO

Itong negosyo na kinontrol ng iilan ang gusto nating pag-usapan dahil dito naghirap ng husto ang mamamayan.

Partikular na pagtuunan natin ng pansin ang negosyo  o industriya sa langis.

Noon pang panahon ng diktadurya ramdam na ramdam ang kalokohan ng mga kompanya ng langis.

At ramdam na ramdam din ang paghihirap ng mamamayan dahil dito.

Naghirap nang husto ang mamamayan dahil sa mahal na langis at pagkontrol ng mga kompanya ng langis sa suplay.

ANG PETRON, SHELL AT CALTEX

Kaya nga kinontrol na rin ng diktadurya ang negosyong langis.

Nagtayo si Manong Ferdie ng Petron upang labanan ang mga dayuhang kompanya sa problema sa presyo at suplay.

Pero sadyang makapangyarihan ang mga kompanya ng langis hanggang sa ang Petron ay naisipang salakayin ng mga crony para pagkakitaan na rin at maging KKK ng mga dayuhang kompanya gaya ng Shell at Caltex (Chevron) ngayon.

PRICE STABILIZATION FUND

Para makontra sa ibang paraan ang pagsasamantala ng mga kompanya ng langis, nagtayo si Manong Ferdie ng Price Stabilization Fund.

Pero sinalakay rin ng mga korap ang PSF kaya nagkabaon-baon sa utang ang gobyerno sa mga kompanya.

Bilyon-bilyong piso ang naging utang ng gobyerno sa mga kompanyang langis sa huling mga araw.

Itinatag ang PSF para dukutin dito ang pambayad sa mga kompanya ng langis sa mga panahon na hindi maiiwasan ang pagmamahal ng langis.

Kapag mababa naman ang presyo, ginagawang standby fund ang PSF para sa oil price hike.

Pero habang lumalaki ang pondo ng PSF, umaandar naman ang utak ng mga magnanakaw.

May krisis o wala sa presyo, pinagdudukot ang pondo rito.

EDSA 1 AT OIL BUSINESS

Siyempre pa, nang lumaya ang Pinas sa diktadurya, marami ang binago sa oil business.

Halimbawa, ibinalik mismo ng pamahalaan ang kalayaan ng mga kompanyang langis na gawin ang gusto nila sa bisa ng Oil Deregulation Law o ODL noong Pebrero 10,
1998.

Kondisyon ito, kabilang na ang pagbebenta ng Petron, sa nasa $600 milyon na utang ng gobyerno mula sa International Monetary Fund at World Bank.

At para hindi magiging suspetsoso ang Oil Deregulation Law at pagsasapribado ng Petron, sinasabi noon ng mga anak ng putakteng opisyal ng gobyerno na magiging mura sa huli ang petrolyo.

Mangyayari ito dahil sa maglalaban-laban ang mga kompanya ng langis at magpapababaan ang mga ito ng presyo.

Lalo’t magkakaroon na rin ng iba pang mga kompanya ng langis na lalaban sa Big 3 na Shell, Petron at Caltex.

BALIGTAD NA SITWASYON

Anak ng tokwa, naglalaban-laban nga ang mga ito pero sa puwesto lang.

May magkakatabi, may magkakaharap ang puwesto.

Pero iisa ang labanan ng mga ito: mag-oil price hike.

Kung magtaas ang isa, magtataas ang lahat at napabibilis pa ang mga ito na magtaas-presyo.

Napakalalaki pang halaga.

Kung magbaba ang mga ito, makunat pa sila sa inuyat o mas mabagal pa sila sa pagong sa pagbabawas ng presyo.

ODL BUWAGIN

Heto ang rekord para madali nating makita ang epekto ng Oil Deregulation Law.

Noong mga taong 2000, nasa P8 lang ang isang litro ng diesel at nasa P13 lang ang gasolina.

Ngayon magkano na ang diesel at gasolina?

P47 ang isang litrong diesel at P47 ang gasolina.

Kaya dapat na buwagin ang ODL at kunin na rin ang Petron.

May panukalang mga batas  para rito pero nakapagtatakang hindi kumikilos ang gobyerno, mula sa Palasyo hanggang sa Kongreso.

Mas gusto pa nilang mag-impeach ng mga mahistrado kaysa mag-impeach ng mga kompanya ng langis.

EVAT SA LANGIS

Dedma na nga ang mga hinayupak sa gobyerno sa ODL at Petron, dinagdagan pa ng mga ito ang krisis sa langis sa pamamagitan ng pagpapatong ng expanded value added tax dito.

Sabi ng Petron, nasa P15 ang EVAT sa langis.

Nasaan ang EDSA 1 sa problema sa petrolyo?

Pinalala nito ang krisis sa petrolyo, sa totoo lang.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring itawag o i-text sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply