Ang Remate at ang Remate International

KAILAN na ba iyon?

Oo, nang dumating ang araw na ito, ang ika-20 anibersaryo ng ating diaryo, Remate, napilitan nating balikan ang ating pinagmulan bilang diyarista.

Photographer tayo noon, papiktyur-piktyur ng kahit anong pinag-iinteresan nating kunan ng larawan. Pero nahihiwagaan tayo sa mga diyaryo. Kaya naisipan natin na mag-aplay sa Remate bilang photog.

Sinuwerte naman tayo at binigyan tayo ng pagkakataon at sa Remate Tonight tayo ini-assign.

Mahigit dalawang taon na palang nanay noon ang Remate at sa anak nitong Remate Tonight tayo itinalaga.

WALA NANG ATRASAN

Simula noon, kumapit na tayo sa Remate family at bahagi ng ating mga araw-araw na iniisip kung paano tayo makatutulong sa pag-unlad ng ating diyaryo at makasabay na rin sa mga hindi maiiwasang antas ng pagdi-diyaryo.

Tadhana lang po ang naglagay sa atin sa ating kinalalagyan sa Remate ngayon bilang may hawak ng renda sa kasalukuyan.

At wala na tayong atrasan dito. Sa paniniwala natin, may puwang ang Remate sa ating lipunan lalo’t kitang-kita kung paano tinangkilik ito ng ating mga mambabasa.

TOTOO PALA TALAGA

Sa paglubog natin sa ating diyaryo, mga Bro, hindi pala totoo ang sinasabi ng iba na kalokohan lang ang ibinabalita ng media lalo na sa mga nakatatakot na bagay.

Nagsimulang manginig ang ating buto’t laman nang sunod-sunod ang mga pagpatay sa ating mga kabaro.

Pinapatay sila dahil sa paglalathala at pagbo-broadcast ng mga katotohanan.

Parehong nagpanginig sa ating mga laman, pati kaluluwa, ang mga pagpatay sa mediamen, paisa-isa man o pamasaker.

Gayundin na naramdaman natin ang pagkaseryoso ng pagdidiyaryo nang lapitan tayo ukol sa iba’t ibang problema sa lipunan at hinihingi ang ating maitutulong para sa katarungan, para sa buhay at para maibsan ang mga sakit at gutom.

ANG REMATE AT ANG NPC

Marahil ay wala tayong naging tsansa na maging minsang pangulo ng samahan ng media na National Press Club kung hindi dahil sa Remate.

Naging Pangulo tayo dahil naging isa tayong reporter-photographer sa kalaunan. Lalong nakita at naramdaman natin ang buhay mediamen sa pamumuno sa NPC.

Ito kasi ang mga panahon na halos walang katarungang nakakamit ang mga mediamen na pinapaslang at minamasaker, gaya ng Maguindanao massacre.

Ito rin ang panahon na minsang kinitil ng gobyerno ang kalayaan sa pamamahayag dahil sa paglitaw ng mga kudeta laban kay Aling Gloria. Ang Remate ang isang nanindigan para sa kalayaan sa pamamahayag.

PASASALAMAT SA REMATE

Ang Remate ang nagpabago na rin ng malaki sa ating buhay. Dati-rati, makatulong tayo ng kaunti sa mga nangangailangan, happy na tayo.

Nang maging bahagi tayo ng ating diyaryo, naramdaman at naranasan kong napakalaki pala ang responsibilidad ng isang mediamen.

Kaya naman, nang dumating ang mga bagyo, baha at kamatayan hindi lang sa hanay ng mediamen kundi sa iba na kinakalamidad, lumagpas na sa personal nating kakayahan ang pagtugon sa pangangailangan ng ating bayan.

SI ONDOY AT IBA PA

Maalaala pa ba ninyo ang nangyari noong nanalasa ang bagyong Ondoy? Bahagi ito ng mga pangyayaring lumagpas na sa sarili nating kakayanan ang panawagan ng ating bayan sa lahat ng mamamayan na makialam.

Kaya nga, nang manawagan tayo ng mga tulong, marami ang tumugon. May mga nagdala ng kaban-kabang bigas, karton-karton na sardinas, karton-karton na damit at marami pang iba. Inihatid natin nang buo ang mga ito sa mga nangangailangan.

Kung hindi tayo naging bahagi ng Remate, hindi tayo nakapaghatid ng tulong sa mga nangangailangan.

Kung hindi tayo naging bahagi ng Remate, hindi tayo nakatawag sa mga handang tumulong sa ating mga kababayan na namamatay, nagkakasakit, nagugutom, nawawasakan ng kinabukasan at iba pa. Maging ang mga taga-ibang bansa, kababayan man natin o hindi, ay nakapaghahatid ng ayuda sa ating bansa dahil sa Remate.

REMATE INTERNATIONAL

Bahagi ng ating mga iniisip kung paano higit na makapaglilingkod sa bayan ang Remate ang paglikha ng international edition nito.

Kaya ipinanganak ang Remate Online.

Bukod sa mga kopyang Remate na nakararating sa Hong Kong at iba pang bahagi ng mundo, bawat tahanan ay masisilayan na rin ang Remate saanmang sulok ng mundo.

Kaya nga, makapagbabalita na sa atin ang mga overseas Filipino worker at ang bawat mamamayang Filipino na may ibang katayuan sa ibang bansa.

Hindi lang sumasabay ang Remate sa iba sa usapin ng teknolohiya.

Binuksan natin ang Remate International para higit na lumawak ang ating pagbabalita, paghahayag ng ating mga kaisipan, pagbabahagi ng ating mga karanasan, pangangalap ng balita, kaisipan at kagalingan ng ating mga mambabasa at mamamayan.

Last but not the least, pinasasalamatan natin si Boss RB (Rey Briones) at lahat ng mga kasamahan natin na araw-gabing nag-iisip, nagpapagod at nag-aalay ng kanilang buhay para manatiling buhay na buhay ang Remate.

MABUHAY ang Remate at Remate International! Mabuhay tayong lahat!

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring itawag o i-text sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply