Bagong kasal na biktima ni ‘Sendong’ nabiyayaan ng bagong bahay at lupa

BAGONG kasal, bagong bahay.

Ito ang naging maswerteng kapalaran ng mag-asawang nakatira sa evacuation center sa Cagayan de Oro makaraang manalo ang magkabiyak ng bahay at lupa na ibinigay ng Home Development Mutual Fund o mas kilala sa tawag na pag-IBIG sa ginanap na “mass wedding” noong Araw ng mga Puso.

Ayon kay Vice President Jejomar Binay, hindi lamang ang basbas ng kasal ang naidulot ng okasyong ‘I Do. I Do. Araw ng Pag-IBIG’ kina Reynaldo Evangelio at Maricel Atasan, kundi ang magkaroon ng bagong buhay na puno ng pag-asa sa ilalim ng iisang bubong na ibinigay ng institusyon.

Ang mag-asawang Evangelio ay kabilang lamang sa mahigit na 2,000 magkasintahan na nabiyayaan ng sagradong kasal kung saan tumayong ninong at ninang ang mga opisyal ng Pag-IBIG Fund.

Sinabi pa ni Binay, chairman ng board of trustees, na dating nakatira sa isang barangay sa Cagayan de Oro ang mag-asawang Evangelio subalit napilitang manirahan pansamantala sa evacuation center matapos na masalanta ang kanilang barong-barong ng bagyong ‘Sendong.’

Personal na naging ninong naman si Binay sa pag-iisang dibdib ng 750 magkasintahan sa Bacolod City, katuwang si Mayor Evelio Leonardia.

“Gaya ng inyong pag-iibigan, ang Pag-IBIG ay naririto bilang inyong sandigan sa lahat ng inyong pangangailangan,” pahayag pa ni Binay mula sa Bacolod at napanood at napakinggan sa siyam pang lugar na pinagdausan ng “mass wedding” tulad sa SM Mall of Asia, Baguio City, Cebu City, Cagayan de Oro, Naga City, Calamba City sa Laguna, Kidapawan City at sa Davao City.

Sinabi naman ni Atorni Darlene Marie Berberbe, Pag-IBIG chief executive officer, ang okasyon ay isa lamang paalala sa mga mangggagawang Pilipino na kumikita ng P1,000 bawat buwan na maging kasapi ng institusyon.

“Sa inyong pagpapakasal, napapanahon na pag-isipan ang inyong kinabukasan, hindi bilang indibidwal, kundi mas higit bilang magkatuwang sa pagtaguyod ng inyong pamilya,” dagdag pa ni Berberabe. Freddie Cortez

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply