Banggaan ng Senado, SC ginatungan ng depensa

SA HALIP puksain ang tumitinding sigalot, mas ginatungan pa ng defense team ni Chief Justice Renato Corona ang namumuong banggaan ng Lehislatura at Hudikatura sa paghahain ng isang petisyon sa Mataas na Hukuman upang ipatigil ang impeachmen trial.

Sa panayam ngayong araw, sinabi ni Atty. Tranquil Salvador III, mas makabubuting matunghayan ang kanilang petisyon, patakbuhin ang proseso upang makalikha ng pamamaraan at matukoy ang limitasyon sa kapangyarihan ng mga sangay ng gobyerno.

“Nirerespeto namin ang Senado na may tanging kapangyarihan na litisin ang lahat ng kasong impeachment. Pero dapat bigyan natin ng pagkakataon na umusad ang proseso,” ayon kay Salvador.

Inihayag ito ni Salvador matapos magpatawag ang Senado ng isang caucus upang talakayin ang petisyon na inihain ng depensa sa Supreme Court na humihiling na magpalabas ng temporary restraining order sa ginaganap na paglilitis kay Corona.

Nakatakdang tumestigo ngayon ang mga opisyal ng Philippine Savings Bank (PSB) at Bank of Philippine Islands (BPI) hinggil sa bank accounts ni Corona na ipinasusumite ng Impeachment Court.

“Bigyan natin ng pagkakataon ang proseso. Kaya ngayon nga nagpatawag sila ng caucus upang desisyunan ang nakalatag sa kanilang lamesa. But, we in the defense, we filed a petition Before the Supreme Court,” dagdag paliwanag ni Salvador.

Sinabi pa ni Salvador na walang pagdududa na natatanging ang Senado lamang ang may kapangyarihan na dinggin ang kasong impeachment, ngunit sa ilalim din ng Saligang Batas may hangganan o limitasyon ang kapangyarihan nito na magkatulad sa lahat ng sangay ng gobyerno.

“When it comes to the impeachment process, the Senate is supreme under our Constitution. But also under our Constitution there are parameters defined which has equal right amongst the these branches of government,” ayon kay Salvador.

Sinabi pa ni Salvador na: “With the petition, we should define the powers and limitations of the branches of government. Kung hanggang saan ang saklaw ng kanilang kapangyarihan ng bawat sangay.”

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply