Bantayan ang mga lindol at ang kasong impeachment

BANTAYAN ang mga lindol.

Sinasabi natin ito, mga Bro, dahil sa malaking bitak ng ilalim ng lupa na naging sanhi ng malakas na lindol na tumama sa Kabisayaan at Kamindanaoan kamakalawa.

Hindi ko man sinasabi, nagkakaroon tayo ng kaba noon bago nagkaroon ng malakas na lindol sa lugar.

May kaba tayo dahil bago naganap ang nasabing lindol, maya’t maya ay nag-uulat ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology ukol sa lindol diyan.

Ngayon ay nagkaroon ng linaw ang ating kaba.

Lumindol na nga ng malakas.

Anak ng tokwa, pawang mga babala ng masamang pangyayari ang nasabing mga lindol.

Nasa 10 kilometro ang lalim ng bitak ng lupa pero, tingnan naman ninyo, mga Bro, ang tindi ng ibinunga niyan.

BUMITAK NA, GUMUHO PA

Napakahirap imadyinin ang naganap sa lugar.

Sino ang hindi mahihirapang mag-imadyin sa lumitaw na bitak ng lupa sa Negros?

Napakahirap ding isipin ang mga gumuho at bumitak ring mga gusali.

Pati ang maraming tulay ay bumigay rin.

MALAKING GASTOS

Okay lang sa parte ng pamahalaan ang ukol sa mga nasirang imprastraktura.

Maniningil lang ng buwis ang mga ito ay may ipampapagawa na sa lahat ng mga nasirang gawa nito gaya ng mga tulay at kalsada.

Ang mahirap imadyinin ay ang parte ng mamamayan.

PAANO ANG MGA TAHANAN

Naiisip natin ang mga ordinaryong mamamayan na nagpatayo ng kanilang mga tahanan.

‘Yung iba ay may hulugan at 25 taon nilang binabayaran ang kanilang mga tahanan.

‘Yung iba naman, nakukumpleto nila ang kanilang mga bahay sa bawat sahod.

Kada sahod, bumibili ang mga ito ng isang supot ng semento, isang yero, isang hollow block at iba pa.

Makaraang makumpleto ang mga tahanan, dumating ang lindol at iginuho ang mga ito.

DELIKADONG FAULT LINE

Dahil nakaupo ang kanilang mga tahanan sa fault line o malaking bitak ng lupa, kinakailangan nilang mailipat.

Magsisimula sila ulit na bumuo ng tahanan.

‘Yan ay kung mayroon pa silang kakayahan na gumawa nito.

Paano mo maiimadyin ang hirap ng mamamayan sa ganyang kalagayan?

Eh napakahirap pa naman ng buhay ngayon at halos wala nang maipambili ng lupa at pagbubuo muli ng tahanan.

KAWAWANG NEGOSYANTE

Kahit sa parte ng mga may pera, mahirap ding imadyinin ang kalagayan ng mga ito.

Bumili sila ng napakamamahal na lupa. Magpapatayo sila ng malaking gusali.

Pero karaniwang puro utang ang puhunan diyan.

Kapag bumitak ang lupa, pati ang gusali at idineklarang dapat na abandonahin ang gusali gaya ng mga mall, hotel at iba pa, ano ang gagawin ng negosyante?

Siyempre, may insurance para riyan.

MAKUKUNAT NA INSURANCE

Pero hindi ganyan kadali ang maningil ng insurance.

Ang daming makukunat na insurance company.

Mabilis lang sila sa singilan sa premium ng insurance pero halos ayaw nilang magbayad.

Daraan muna ang negosyante sa butas ng karayom at madalas, dumaraan sa kaso ang
paniningil.

SIYAM-SIYAM NA KASO

Alam naman ninyo ang inaabot ng kaso sa Pinas.

Siyam-siyam bago magkaroon ng desisyon.

Paano kung aabutin yang kaso ng 10-20 taon?

Habang may kaso ang negosyante, panay naman ang singil ng mga bangkong nagpautang ng kanilang ipinautang.

Kung mahina ang loob ng negosyante, tiyak na magkakabalitaan diyan.

Uminom si negosyante ng  silver cleaner, dedo.

ANG DAMING NILILINDOL

Sa totoo lang, ang daming lindol na nagaganap sa mahal kong Pinas.

Kung ang lindol ay may kaugnayan sa mga bulkang pumuputok, madali nating mauunawaan yan.

Pero kung ang lindol ay katulad ng naganap sa Negros, Cebu at iba pang lugar, ibang usapan na yan.

Kung minsan, sinasabi ng Phivolcs na ordinaryo lang ang pagkakaroon ng lindol.

Bago ba nagkaroon ng malakas na lindol ay sinasabi ng Phivolcs na ordinaryo lang ang mga lindol?

Kung nangyari yan, lumalabas na hindi 100 porsiyentong sigurado ang mga pinagsasabi ng ahensiya.

Baka mas matalas pa ang pagkakaroon ng kaba ng mamamayan kaysa pag-aaral sa lindol ng Phivolcs.

NAGBABAANG MGA HAYOP

Kung malalapit sa bundok ang mga mamamayan, karanasan na nilang may kakaibang kilos ang mga hayop.

Maraming baboy damo, ahas, manok at iba pa na bumababa sa kapatagan.

Maging ang mga hayop sa dagat gaya ng mga dolphin, pating at iba pa, ay nagiging makilos din at lumulutang ang mga ito nang hindi pangkaraniwan.

Kapag napansin na ang mga ito ng mamamayan, diyan na sila kinakabahan at inaantabayanan na nila ang posibleng disgrasya.

MAGBANTAY LAGI TAYO

Kaya nga, pag may mga lindol, huwag nating sabihin na okey lang ang lahat.

Dapat tayong magbalot-balot at maging alerto.

Magandang magkaroon tayo lagi ng training kung ano ang gagawin sa oras ng lindol.

Makatutulong ng malaki ang pamahalaan dito at isali natin sila sa ating mga aktibidad na gawing ligtas ang lahat sa lindol.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring itawag o i-text sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply