BDO hindi na maaaring tumanggap ng bayad sa buwis

TINANGGAL na ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang Banco De Oro (BDO) sa listahan ng 22 banko na maaaring tumanggap ng bayarin sa buwis para sa darating na income tax payment sa Abril 15, 2012.

Sa reklamong tinanggap ng BIR mula sa mga taxpayer, kalahati ng mga sangay ng BDO sa buong bansa ang ayaw magproseso at tumanggap ng babayarang buwis mula sa mga hindi nito kliyente.

Ayon pa kay BIR Deputy Commissioner for Operations Nelson Aspe, nabigo ang bangko na ipatupad ang rekisitos para sa akreditasyon alinsunod sa umiiral na revenue regulation no. 2-2008 at revenue memorandum order no. 11-2008.

Nakapaloob sa mga nasabing kautusan ang mga patakaran kung papaano magbibigay ng serbisyo ang mga bangko sa pagtanggap ng bayad mula sa mga taxpayer, batay sa napagkasunduan ng BIR at ng Bankers Association of the Philippines (BAP).

Sinabi pa ni Aspe na nakaapekto ang pagtanggi ng BDO sa hangarin ng pamahalaan na makolekta ang tamang buwis mula sa mamamayan, bukod pa sa nagbigay ito ng dagdag na abala sa mga taxpayer upang humanap ng ibang bangko na tatanggap ng kanilang tax payment.

Batay sa ipinalabas na memorandum, tinanggal na ang kapangyarihan ng BDO na tumanggap ng bayarin sa buwis sa pamamagitan ng over-the-counter transactions simula Enero 16, 2012 at ang kapanyarihan nito na tumanggap ng bayarin sa buwis sa pamamagitan ng electronic filing and payment system simula Pebrero 9, 2012.

Ang nasabing kautusan ni Aspe ay pinadala sa lahat ng hepe ng Large Taxpayers Service, regional at district offices, collection enforcement division at revenue data centers sa buong kapuluan.

Bagama’t walang binabayad ang BIR sa ibinibigay na serbisyo ng mga banko para mangolekta ng buwis mula sa mamamayan, pinapayagan naman ito ng pamahalaan na gamitin ang nakolektang buwis sa kanilang operasyon sa limitadong panahon.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply