Bilihan ng palay tataasan

AAYUSIN ng Department of Agriculture (DA) ang kasunduan sa pagtataas ng National Food Authority (NFA) Council sa presyo ng bilihan ng palay.

Ayon sa report, sagot ito sa hiling ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), Amihan, at Anakpawis Partylist na gawing P20 kada kilo ang bilihan ng palay sa halip na P17 lamang.

Ayon kay DA Sec. Proceso J. Alcala, dapat lang na pagbigyan ang kahilingan ng mga magsasaka dahil kailangan nilang kumita upang mabuhay.

Sinabi naman ni KMP Secretary General Danilo Ramos na kung tutuusin, kapag tag-ani na ay binibili ng mga mangangalakal, rice traders, at mga ahente ang kanilang palay sa halagang P10 hanggang P12 per kilo lamang.

Hindi umano direktang binibili ng NFA ang kanilang ani dahil sa dami ng requirements kaya napipilitan silang ibenta na lamang sa mababang halaga.

Nangako naman si Alcala na aayusin niya ang lahat upang direkta nang makapagbenta ang mga magsasaka sa NFA ngayong taon.

Ang NFA ay binigyan ng kapangyarihang mamili ng palay sa halagang hindi bababa sa P17.00 at hindi naman tataas sa P17.70 per kilo, depende sa kalidad ng palay at sa moisture content.

Hiniling naman ni Alcala sa farmer-leaders na kilalanin ang mga komunidad o bayang hindi naseserbisyuhan ng mga buying stations ng NFA.

Magpapadala aniya sila sa mga lugar na ito ng NFA mobile palay buying stations, at magtatayo ng drying facilities na ang gagamitin ay ang pondong P120-milyon.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply