Bucks nirebansehan ng Heat

NAKATIKIM din ng panalo ang Miami Heat sa Milwaukee Bucks matapos angkinin ang 114-96 sa nagaganap na 2011-12 National Basketball Association, (NBA) regular season kaninang umaga.

Dalawang beses nang nabibigo ang Heat sa Bucks sa season na ito kaya naman gumawa na ng paraan si star player LeBron James upang hindi na sila matatluhan.

Tumikada si James ng 35 puntos, walong rebounds at tatlong assists upang ilista na rin ng Miami ang 22-7 win-loss slate at manatiling nasa tuktok ng Southeast division.

Nag-ambag din sina Dwyane Wade ng 22 points, limang boards at apat na assists at Mario Chalmers ng 13 pts., dalawang steals at tig isang rebound at assist upang itarak ng Heat ang ikatlong sunod na panalo.

Lumamang ang Heat matapos ang dalawang quarters, 55-50 at lumubo pa ito sa third canto ng kumana ang Miami ng 14-0 run para sa 90-74 bentahe.

Si Carlos Delfino naman ang nanguna sa opensa ng Bucks na may 24 puntos, apat na assists at dalawang steals habang sumegundo si Brandon Jennings na bumira ng 12 pts., apat na assists at dalawang boards.

Sa ibang NBA resulta, pinaluhod ng defending champions Dallas Mavericks at Los Angeles Clippers, 96-92 habang napaamo ng Orlando Magic ang Minnesota Timberwolves, 102-89.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply