Buhayin ang Tullahan river

ILANG dekada na ang naararaan, ang Tullahan River ay sangtuwaryo ng iba’t ibang uri ng isda, gayundin ng iba pang nabubuhay sa tubig.

Ika nga ni Mang Pepeng (na nakatira sa gilid ng Tullahan), ang pang-ulam ng panahon na iyon ay ‘di problema ng kanyang pamilya dahil ang gurami, bulig, alimango at maging hipon ay sariwang nabubuhay sa  napakalinis na tubig ng ilog
ng Tullahan.

Ngunit sa paglipas ng panahon, unti-unting naglaho ang mga ito. Ang mga bakawan
na nagsisilbi nilang bahay ay nangamatay din.

Ang dahilan – ang dating malinis na ilog ay naging marumi dahil sa mga basurang itinatapon dito ng mga walang disiplinang mamamayan.

Sa tagal ng panahon na naimbak ang iba’t ibang klase at tone-toneladang basura, bumaba  ito at naging burak sa ilalim ng tubig.

Kaya kapag umulan ng malakas, ang dating malinis at malalim na ilog ay kaagad umaapaw at nagdadala ng baha sa kapaligiran.

‘Di naman nakalilimot ang gobyerno sa kaiisip kung paano maibablaik muli ang dating linis at ganda ng ngayo’y polluted nang ilog. Ang local government units na nakapaligid dito ay may kanya-kanyang proyekto at programa para maibalik ang dating Tullahan river.

Subalit walang nagtagumpay. ‘Di man nila inihahayag, kakulangan sa pondo ang nakikitang dahilan kaya nananatiling mabaho ang Tullahan.

Habang tumatagal, lumulubha ang kalagayan ng Tullahan.

Marahil, panahon na para gumawa ng paraan ang pamahalaan at mamamayan upang ma-restore ang dating ganda ng ilog.

Kung noon ay nagbibigay ang ilang government agency ng karampot na tulong financial para linisin ang ilog ng Tullahan, ngayon siguro ay kailangan nang gumawa ng master plan at mag-allocate ng tamang pondo ang gobyerno para sa restoration nito.

Sa pangunguna ng Department of Public Works and Highways, walang dahilan para ‘di na muli natin makita ang ningning ng nasabing ilog.

Kailangan lang ay ‘political will’ sa mga namumuno  ng pamahalaang lungsod ng Malabon, Quezon City at Valenzuela City.

At sa tulong ng Palasyo, mga senador, kongresista at  mamamayan, siguradong mabubuhay muli ang Tullahan river.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply