CBCP official kay Corona: Buksan ang dollar accounts

KUNG walang itinatago ay walang dapat na ikatakot si Supreme Court (SC) Chief Justice Renato Corona sa pagbubukas ng kanyang bank account.

Ito ang sinabi ni Father Edu Gariguez, executive secretary ng National Secretariat for Social Action Justice and Peace (NASSA) ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) kasunod na rin ng impeachment trial na isinasagawa ng Senado laban sa punong mahistrado.

Ayon kay Gariguez, kung wala namang itinatago si Corona ay wala itong dapat ikatakot at sa halip ay dapat nitong payagan na lamang na mabuksan ang kanyang dollar accounts sa Philippine Savings Bank.

“He (Corona) should allow his bank accounts to be examined and prove that there’s nothing with it,” ayon kay Gariguez.

Sinabi pa ng CBCP official, na noong una pa lang ay sinasabi ng punong mahistrado na malinis ang kanyang konsiyensa at “willing” na dumaan sa proseso ng impeachment.

Sa paglilitis ng sa kaso ni Corona, nabunyag na mayroon siyang limang dollar accounts sa PSBank.

Gayunman, tumanggi ang Pangulo ng naturang bangko na isumite ang mga detalye ng mga naturang bank accounts sa Senado dahil sa pangamba na magkaroon ng pananagutang kriminal.

Kahapon (Huwebes), sa botong 8-5 at batay na rin sa kahilingan ni Corona, pinatigil na rin ng Korte Suprema ang Senado na pilitin ang naturang bangko na ibunyag ang mga detalye ng dollar bank accounts ng punong mahistrado.

Nanindigan naman si Gariguez na kung talagang walang itinatago si Corona ay ito na mismo ang mag-awtorisa sa PSBank para buksan ang kanyang bank accounts at linisin ang kanyang pangalan laban sa alegasyon ng korapsiyon. Kyle Gatus

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply