CGMA posibleng makadalaw sa burol ni Iggy

MAY posibilidad umanong mapahintulutan ng hukuman si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na makabisita sa burol ng kanyang yumaong bayaw na si Negros Rep. Ignacio “Iggy” Arroyo makaraang hindi tumutol ang mga tagausig ng Commission on Elections (Comelec) sa ginawang pagdinig sa Pasay City Regional Trial Court kanina.

Sa kanyang pahayag kay Pasay RTC Judge Jesus Mupas ng Branch 112, sinabi ni Atty. Maria Juana Valeza na bilang respeto sa tradisyon ng mga Filipino, hindi na nila tututulan ang kahilingan ni Gng. Arroyo na madalaw, makiramay at makipaglibing sa kanyang bayaw bagama’t kinakailangan aniya na ibigay muna ng kampo ng akusado ang mga detalye sa burol ng kongresista.

Idinugtong pa niya na bagama’t hindi nila ito tinututulan, ipauubaya naman nila ang pagpapasiya kay Judge Mupas kung pahihintulutan si Gng. Arroyo na makadalaw at makipaglibing sa namayapang bayaw.

Hindi naman agad nagpalabas ng resolusyon ang korte sa hirit ni Gng. Arroyo dahil hindi naman nakapagsumite ang kanyang abogadong si Atty. Benjamin Santos kung kailan at saan ibuburol at ililibing ang kongresista.

Ayon naman kay Felda Domingo, tagapagsalita ng hukuman, nakadepende sa detalye ng pagbuburulan at paglilibingan ni Iggy Arroyo ang pagbibigay pahintulot kay Gng. Arroyo na makabisita sa namayapang bayaw.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply