Chinese na nanagasa ng GF nagpakamatay

MINABUTI na lamang ng inarestong Chinese national na patayin ang sarili kaysa bunuin ang kanyang buhay sa loob ng kulungan kaugnay sa kanyang pananagasa at pagpatay sa kanyang girlfriend sa loob ng mobile car ng MPD-Homicide Section kagabi sa Taft Avenue, Maynila.

Nagawa pang maitakbo sa Philippine General Hospital (PGH) ang suspek na si Gong Shu Yang, 25,  Chinese national at dating nanunuluyan sa EGI Taft Tower, Room 1119 Taft Avenue, Malate,Maynila.

Si Gong ay naaresto kamakalawa ng gabi at nakatakda sanang isailalim sa inquest proceedings kagabi sa Manila City Prosecutors Office kung saan huminto ang mobile car ng MPD-Homicide Section na Toyota Revo (SGK-371) sa Ayala Blvd., at Taft Avenue  dahil inabutan sila ng red light dakong alas 9:10 ng gabi.

Nabatid na nagsilbing driver ng mobile car si PO2 Jason Ibasco,habang sina SPO1  Alonzo Layugan at SPO1 Charles John Duran ay nasa likurang bahagi ng sasakyan, sa pagitan nila ang suspek na si Yang.

Ayon kay SPO1 Duran, sa hindi inaasahang pangyayari ay nahulog sa sahig ng mobile ang mga hawak niyang dokumento para sa inquest proceedings ng suspek kaya yumuko siya upang damputin ang mga iyon.

Ngunit habang nakayuko si Duran ay nakahanap naman ng tiyempo si Yang na agawin ang .9MM caliber service pistol ng una at mabilis na itinutok ang baril sa kanyang baba.

Hindi na rin nagawang agawin pa ni SPO1 Layugan ang baril sa suspek dahil napakabilis ng pangyayari at nagulat na lamang siya nang bigla iyong pumutok.

Gayunman, dali-dali nilang itinakbo sa PGH si Yang upang maisalba pa ang kanyang buhay ngunit namatay din dakong alas-9:44 ng gabi.

Isasailalim naman sa paraffin at post mortem examination ang suspek habang sina PO2 Ibasco, SPO1 Layugan at SPO1 Duran ay isasailalim din sa paraffin examination.

Isinumite na rin sa Crime Laboratory Office (CLO) ng MPD ang mga baril ng mga pulis para sa ballistics examination.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply