Banal ipinagtanggol ng Malakanyang

KUMBINSIDO ang Malakanyang na malinis ang intensyon at walang balak na manloko ni Quezon City 3rd District Rep. Jorge Banal sa ginawang pagpapakilala kay Anabelle Tiongson, manager ng PSBank-Katipunan branch noong Enero 31, 2012 para ipakita ang mga dokumento ng bank accounts ni Supreme Court Chief Justice Renato Corona.

“Kung meron dapat na deceit doon sana hindi na siya nagpakilala. But the fact is, nagpakilala po siya, he was very up front about his intention, and he obviously wanted to help his colleagues,” ayon kay Deputy Presidential spokesperson Abigail Valte.

Sa ulat, ipinakita ni Banal kay Tiongson ang mga dokumento na isinama ng prosekusyon sa pag-request ng subpoena.

Ang nabanggit na dokumento ay naglalaman ng bank accounts number ni Corona na sinasabing binigay kay Rep. Reynaldo Umali ng isang “little lady.”

Para kay Usec. Valte, hindi nila madedetermina kung ano ang magiging epekto nito sa kaso laban kay Corona dahil tanging ang Senado lamang ang makakadetermina
nito.

Sa pagtatanong ni Senator-Judge Loren Legarda, nasabi ni Tiongson na noong January 31, 2012 nakipagkita sa kanya si Quezon City 3rd District Rep. Jorge Banal.

Sa una aniya ay tinatakpan pa ni Banal ang mga dokumento.

Ngunit nang nakita niya ang documents, nakita rin ng bank manager ang specimen signature card ni Corona.

Sinabi ni Tiongson na humingi sa kaniya ng tulong si Banal tungkol sa dokumento, kung makapagbigay siya ng guide at tinanong kung dollar sign ang nasa dokumento subalit hindi raw nagbigay ng impormasyon ang bank manager.

Nang tinanong ni Tiongson kung paano nito nakuha ang mga dokumento, sinabi ni Rep. Banal na marami raw tumutulong sa kanila at sasabihin nito sa bank manager kung tutulungan din ni Tiongson ang kongresista.

Lumabas din sa pagtatanong ni Sen. Legarda na January 31 pa lang ay hawak na ni Banal ang kontrobersiyal na dokumento.

Pero sa impeachment court, sinabi ni Rep. Umali na ibinigay sa kanya ang mga dokumento noong February 2 sa Senado.

Napag-alaman na ang naturang dokumento ay ang sentro ng debate nitong mga nakaraang araw sa impeachment court makaraang binigyang diin din ni Tiongson at PSBank President Pascual Garcia na peke ang mga ito.

Sa kopya ng CCTV na inilabas din ng impeachment court, walang nakitang “little lady” na nag-abot ng dokumento kay Rep. Umali.

Samantala, alas-6:00 ng gabi kahapon ay nagpaliwanag si Banal sa harap ng mga senator-judges.

Ginawa umano niya ang hakbangin para makatulong sa kaso ng prosekusyon.

Pero inamin niya na baka makasama pa ito sa prosecution team dahil sa kanyang ginawa.

Wala rin aniyang may alam sa mga kasama niya sa prosekusyon na may hawak siyang ganitong mga dokumento kaya nais niya itong ipaberipika sa PSBank kung totoo.

Kabilang sa nakita niya na nakasulat ay ang dollar account na nagkakahalaga ng $300,000 at $700K.

Muli namang inimbitahan si Banal na magpaliwanag sa Lunes sa pagpapatuloy ng impeachment proceedings.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply