Corona hihilahod sa Article 1– Daza

TINIYAK ni Samar Rep. Raul Daza na hihilahod nang husto si Chief Justice Renato Corona kapag sinimulan ng House Prosecution Panel ang paghimay sa katiwalian nito sa Article 1 partikular ang kaso ni dating Pangulo at ngayon Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo sa Supreme Court.

Ayon kay Daza, pinaburan ni Corona ang mahigit 80 porsiyento ng 30 kasong naisampa sa Supreme Court kaya’t hindi nakapagdududa na hawak sa leeg ng dating chief executive ang nililitis na punong mahistrado.

“Napaboran ni Chief Justice Renato Corona si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa 80 porsyento ng higit sa 30 kasong nakarating sa Supreme Court (SC),” ayon kay Daza.

Aniya, pagkatapos ng Article 7, sisimulan sa susunod na linggo ang pagtalakay sa Article 1 upang tuluyan nang makumbinsi ng prosecution ang impeachment court na dapat nang patalsikin si Corona.

Kahapon (Huwebes, Pebrero 23), tinanong ni Senator-Judge Jinggoy Estrada kung ilang kaso ang nakarating sa High Court at kung ilan sa mga kasong ito ay kinampihan ng chief justice ang noon ay nakaupong Pangulo ng bansa.

“Ang percentage kung hindi ako nagkakamali ay pumapabor po na mahigit 80%, and individual vote ng chief justice,”paglalahad ni Daza patungkol sa 31 kaso na nakarating sa korte.

Isa sa pinaboran ni Corona ang paglalabas ng temporary restraining order (TRO) ng SC laban sa watchlist order na ipinalabas ng Department of Justice (DOJ) upang hindi makalabas ng bansa sina dating Pangulong Arroyo at asawa nitong si Mike Arroyo nitong 2011.

Inusisa naman ni Estrada kung bakit hindi pa pinagsama ng prosekusyon sa Article 1 ang alegasyon nila sa Article 7 dahil halos nagkakapareho lamang ang kanilang alegasyon na pinapaboran ni Corona si Gng. Arroyo.

Ipinaliwanag naman ni Daza na ang Article 1 ay patungkol sa mga kasong nadesisyunan na habang ang Article 7 ay nakabinbin pa rin sa High Court tulad ng TRO sa WLO.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply