Corona pinatetestigo ni Enrile

KUNG si Senate President Juan Ponce Enrile lamang ang masusunod, nais niya tumestigo si Chief Justice Renato Corona upang patotohanan ang sinasabing bank accounts nito sa Philippine Savings Bank (PSBank).

Sa panayam ng DZBB nitong umaga ng Miyerkules, sinabi ni Enrile na mas makabubuting tumestigo si Corona sa impeachment court, maipararating ng punong mahistrado ang buong katotohanan hinggil sa akusasyon na nagkamal ito ng tagong yaman.

“Maganda diyan kung haharap si Chief Justice Corona sapagkat sa aking paningin, doon natin maririnig kung ano ang katotohanan dito,” ayon kay Enrile sa naturang panayam.

Ayon kay Enrile sakaling tumestigo si Corona, mailalatag nito nang makatotohanan ang ebidensiya sa bank account na siyang ginamit ng House prosecution panel bilang ebidensiya sa Article 2.

“Iyong mga abogado, kailangan ng testigo. Walang ibang makapagpapaliwanag sa mga bank accounts kung hindi si chief justice lang sapagkat siya ang nakapangalan doon. Kung hindi sa kanya o bakit hindi niya naisama sa SALN,” paliwanag pa ni Enrile.

Sinabi pa ni Enrile na kapag pumayag si Corona na tumestigo sa impeachment court, maaaring makapagtanong sa kanya ang mga senator-judges na siyang pagbabatayan ng kani-kanilang hatol.

“Pwede ring tanungin ng mga senador. Kailangan icross-examine ng prosecutor. Doon natin makikita ang gilas ng bawat isa,” aniya.

“Makakabuti sa kaso ng Chief Justice pati sa proseso pati sa bansa,” patapos ni Enrile. Ernie Reyes

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply