Dagdag-singil ng PhilHealth parusa sa tao — HEAD

DUSA ang hatid ng karagdagang singil sa premium ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), ito ang pahayag ng Health Alliance for Democracy (HEAD) at iba pang health organizations ngayon.

Ayon sa HEAD, tutol sila sa bagong patakaran ng PhilHealth, dahil hindi ito kailangan.

Anila, naghihirap na ang mga Filipino at kung dati ay wala silang maihulog sa PhilHealth, mas titindi pa ngayong nagtaas na sila ng premium.

Ayon kay HEAD secretary-general Dr. Geneve Rivera-Reyes, 100-160% ang itinaas ng Philhealth premiums kung saan kasama ang mga datihang miyembro at mga overseas Filipino workers (OFWs).

Halos doble umano sa dati ang babayaran nila at ang formal sector employees naman ay magbabayad ng hindi bababa sa P2,520 kada taon.

Kahit umano ang mga mahihirap na halos walang makain na na-identify na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay kailangang magbayad ng P2,400 simula Enero 2013.

Ani Rivera-Reyes, napakamahal nang mabuhay sa Pilipinas at lalong bawal na rin ang magkasakit.

Sinabi pa niya na kahit ang dagdag na pondo mula sa Department of Health (DOH) na 30% o 12.5 billion pesos ay kulang pa rin sa PhilHealth.

Aniya, sa loob ng 17 taon, hindi napatunayan ng PhilHealth na kapakanan ng tao ang kanilang inuuna.

Gayunman, sinabi ni PhilHeralth Vice President for Corporate Affairs and COO Alex Padilla na kahit nagtaas sila ng premium ay gumanda naman ang kanilang serbisyo.

Aniya, mahihirapan man sa ngayon ang mga Filipino dahil sa dagdag na singil, kapag nagkasakit naman sila o ang kanilang mga beneficiary ay makasisiguro naman silang may tutulong sa kanilang gastusin.

Sa bagong patakaran ng PhilHealth, mga menor de edad na anak at asawang walang PhilHealth lamang ang pwedeng maging beneficiary ng isang manggagawa.

Hindi rin maaaring maging beneficiary ang mga magulang na hindi pa senior citizen.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply