Dapat i-impeach ang Oil Deregulation Law

KATORSE anyos na pala ang Oil Deregulation Law dahil umiral ito noong Pebrero 10, 1998.

Malayo na ang narating ng batas na ito.

Matagal na tayong pinagloloko ng mga kompanya ng langis.

P8 SA DIESEL P13 SA GAS

Bagama’t inaprubahan ng gobyerno ng Pilipinas ang nasabing batas noong 1998, nagsimulang umarangkada ang pagtataas ng presyo ng mga produktong petrolyo noong taong 2000.

Sa sarili kong karanasan, bumibili ako noong taong 2000 ng diesel sa presyong nasa P8-P9 kada litro.

Nasa P12-P13 naman ang gasolina.

P47 SA DIESEL P57 SA GAS

Ngayong dumating ang taong 2012, umabot na sa P47 ang diesel samantalang nasa P57 na ang gasolina.

Sa mga lalawigan, mga Bro, may patong na P4-P6 piso bawat litro.

TOP TEN CORPORATIONS

Sa pagkakaiba ng presyo noong 2000 at ngayong 2012, talaga namang malayo na ang narating ng mga kompanyang langis.

Dambuhalang tubo ang nakakamal na ng mga ito.

Kaya hindi nakapagtatakang, kasali lagi sila sa Top Ten Corporations sa mahal kong Pinas.

Hindi pa sila nawawala sa listahang ito simula noon.

Kahit pa sa panahon na sinasabi nilang luging-lugi sila sa pagpapababa ng presyo kumpara sa ibang mga bansa alang-alang umano kay Juan.

OIL DEREGULATION LAW

Itong oil deregulation law, mga Bro, ang pinagmulan ng patuloy na pamamayagpag ng mga kompanya ng langis sa Pinas.

Bilyon-bilyong piso ang kinikita nila taon-taon.

Ginawa ang batas na ito noong panahon ni Pangulong Fidel Ramos.

Umutang ang gobyerno noon sa International Monetary Fund at World Bank sa natatandaan ko at ginawang kondisyon ang pagpapasa ng oil deregulation law.

Ang batas na ito ang magtitiyak ng kalayaan ng mga kompanyang langis para magtakda ng presyo at hindi sila dapat na pakialaman ng gobyerno sa ngalan ng malayang kalakalan.

Para makumpleto ang kalayaan nilang magpresyo, itinakda rin ng oil deregulation law ang pagkawala ng Petron sa kamay ng gobyerno.

Kaya ibinenta ang Petron sa mga pribadong kompanya para walang magiging kalaban ang mga dayuhang kompanyang langis sa pagnenegosyo.

MAGIGING MURA ANG PETROLYO

Ang diwa ng oil deregulation law ay para umano maging mura ang petrolyo habang tumatagal ang panahon.

Magkokompetisyon o maglalaban-laban umano ang mga kompanya sa pagkuha ng mga suki sa mamamayan kaya magpapababaan sila ng presyo.

Ano talaga ang nangyayari? Wala yatang kompetisyon, walang laban.

Kung magtataas ng presyo ang isa, magtataas naman ang iba. Kung magbaba ng presyo ang iba, magbababa rin ang iba.

Pero mas marami ang pagtataas na mas malalaki ang presyo kaysa pagbababa na kakatiting lang ang halaga.

Hindi kailangang ipaliwanag ito dahil karanasan na ito ng mamamayan. Kitang-kita ito sa mga gasolinahan na nakakalat kahit saan.

DAGDAG BAWAS

Ang sabi nila, mga Bro, hindi maiiwasan ang pagkakaiba ng mga presyo ng sari-saring produktong petrolyo gaya ng ordinary gas, premium, unleaded, liquified petroleum gas at iba.

Kaya naman, nauuso ang dagdag-bawas.

May pagtataas ng presyo ng isa o dalawa pero may pagbababa naman ang iba.

Pero sa tingin naman ng iba, may halong panloloko rito.

Nagbababa ang mga kompanya ng langis pero binabawi naman nila sa iba na kanilang itinataas.

AYAW PABUKSAN ANG MGA LIBRO

Nakapaghihinala naman talaga ang ginagawa ng mga kompanya ng langis dahil ayaw nilang mabuksan ang kanilang mga libro de kuwenta.

Ang tagal-tagal nang hinihiling ng taumbayan na mabuksan ang libro ng mga ito pero ayaw nila.

Parang mga bank accounts ni Chief Justice Corona ang mga ito na noong una ay ayaw mabuksan.

Pero mas malakas ang mga kompanya ng langis dahil wala talagang magawa ang gobyerno para mabuksan sa publiko ang kanilang mga libro de kuwenta.

Ang sinasabi lang ng ibang kompanya ay handa silang magbukas ng libro kung magbubukas ang iba.

Eh wala ni isa ang nagbubukas.

DAYUHANG PRESYO

Sinasabi ng mga kompanya ng langis na nagpapatianod lang sila sa presyo sa labas ng bansa.

Kung ano ang presyo sa New York o sa Singapore, siyang masusunod.

Sino naman ang maniniwala sa kanila at kaninong bumbunan ang inililipat nila?

MAY SARILING INETRES SA PINAS

Nagtayo ang mga kompanyang langis ng kanilang kompanya sa Pilipinas.

Nagtayo sila para sila kumita at hindi malugi, gaya ng gusto ng ibang mga kompanya. Eh ano pa ang silbi ng oil deregulation law kung sa labas pala ng bansa sila sumusunod?

Pero kung inirereklamo sila ng mamamayan, yang oil deregulation law ang kanilang isinasangkalan.

At lagi nilang kakampi ang Department of Energy.

I-IMPEACH SILA

Paano kaya i-impeach ang oil companies at ang oil deregulation law?

Oo nga pala, yung mga kongresman na nang-impeach kay Corona, tameme sila sa panukalang i-impeach ang oil deregulation law.

Bakit????

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring itawag o i-text sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply