David vs Goliath

“MARAMING salamat sa TRANSPORTER at sa Remate!”

Ito ang pahayag ni kasamang Gerardo “Gerry” Rivera, presidente ng Philippine Airlines Employees Association (PALEA), sa pagpupulong ng International Transport Workers Federation (ITF) coordinating committee noong Miyerkules sa Seamen’s Center sa Intramuros, Maynila.

Ang tinutukoy ni Ka Gerry ay ang pagsuporta ng TRANSPORTER sa PALEA, na ngayon ay nasa ikalimang buwan na ng pagwewelga laban sa management ng Philippine Airlines (PAL).

Ang welga ay bunsod ng desisyon ng mga opisyal ng airline na i-outsource ang maraming trabaho sa kompanya na nagresulta ng pagkasisante ng 2,000 kawani nito na mga miyembro rin ng PALEA.

Nagpasalamat si Ka Gerry sa TRANSPORTER, partikular sa inyong lingkod, dahil sa pagtalakay ng kanilang kalagayan sa kolum na ito at sa dyaryong ito.

Ang tanging maisasagot natin sa pinuno ng PALEA ay: “Walang anoman, ‘tol.”

Bilang parehong kasapi ng ITF, tinuturing ng TRANSPORTER na ang PALEA ay isang kapatid sa industriya.

Ang pagtinging ito ay ating ibinibigay rin sa iba pa nating kasama sa ITF: Ang Associated Marine Officers’ and Seamen’s Union of the Philippines (AMOSUP), Philippine Seafarers’ Union (PSU), Pambansang Tinig at Lakas sa Pantalan (PANTALAN), Port Workers Union of the Philippines (PWUP) at Bagong Kapisanan ng Manggagawa-PNR-United Transport Workers’ Organization (BKM-PNR-UTWO).

Sino pa ba ang magtutulungan kundi tayo-tayo. Walang iwanan, mga ‘tol. Ang kasabihan nga na, “united we stand; divided we fall.”

Kung tayo ay magkakanya-kanya, kung ating poprotektahan ang sari-sariling interes at kapakanan, hindi magtatagal at isa-isa tayong dudurugin ng mga kalaban.

At hindi pipitsugin ang kalaban. ‘Wag na tayong lumayo. Tingnan na lamang natin ang PALEA.

Ang multi-bilyonaryong negosyanteng si Lucio Tan at mga galamay nito sa gobyerno at pribadong sektor ang katagisang-lakas ng PALEA.

Hindi patas ang labanan. Pero may magagawa tayo kung nanaisin nating magkaroon ng hustisya—suportahan natin nang buong sigla ang PALEA.

Kahit umabot pa ito sa pag-boykot sa mga serbisyo ng PAL!

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply