DAY 12: Henares muling humarap sa impeachment court

SA pagpapatuloy ng ika-12 araw ng paglilitis kay Supreme Court Justice Renato Corona kanina, isinalang ulit ng prosekusyon si Bureau of Internal Revenue Commissioner Kim Jacinto- Henares bilang kanilang testigo.

Ito ang ikalawang pagkakataon na isinalang si Henares sa witness stand kung saan sinabi nitong understated ang mga net worth ni Corona mula 2002 hanggang 2010.

Sa kanyang pagtestigo, sinabi ni Henares na hindi na maaaring itama pa ang mga pagkakamali ni Corona sa kanyang mga inihaing statements of assets, liabilities and networth (SALNs).

Ayon pa kay Henares, bilang government official, responsbilidad ni Corona na tiyaking tama at kompleto ang mga idineklarang mga ari-arian.

Giit pa ni Henares, hindi na maaaring baguhin ni Corona ang kanyang tax declaration, lalo mayroon nang imbestigasyon laban sa kanya.

Sinabi pa ng kalihim, tinatrabaho na ng kanyang tanggapan ang imbestigasyon sa mga Income Tax Returns ni Corona simula taong 1992 hanggang 2010.

Kaugnay din nito, pinuna naman ng kampo ng depensa ang mga sinabi ng testigong si Henares dahil malinaw umanong opinyon lamang nito ang kanyang mga pahayag at wala ring ipinakitang ebidensiya ang prosecution para ito ay mapatunayan.

Partikular na tinukoy ng depensa ang understated net worth ng punong mahistrado mula sa 2002 hanggang 2010.

Ayon kay Atty. Tranquil Salvador III at Atty. Karen Jimeno ng defense team, hindi naman iprinisinta ng prosekusyon si Henares bilang expert witness kaya hindi maaaring basta na lamang pagbasehan ang mga pahayag nito.

Dagdag pa ng defense lawyers, opinyon lamang ito ng BIR chief kaya tatapatan nila ito ng sagot kapag naglahad na sila ng sariling mga testigo at ebidensiya.

Ilang ulit namang nagkaroon ng objection si lead defense counsel at dating Justice Serafin Cuevas sa mga tanong ni Atty. Arthur Lim kay Henares nang sumailalim sa direct examination dahil wala aniyang kaugnayan iyon sa tunay na nilalaman ng article 2 ng impeachment case.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply