Demoralisasyon sa QCPD!

ITO ay isang ulat na umuugong sa Quezon City Police District na hindi dapat ipagwalang-bahala ni police Dir. Gen. Nicanor ‘Nick’ Bartolome.

May kinalaman ito sa umano’y panghuhuli ng isang kubrador ng jueteng ng mga tauhan ng isang police chief inspector.

Dahil sa pangyayaring ito, nagalit daw ang superior ni CI na isang superintendent (colonel) at hepe pa ng isang istasyon ng QCPD.

Pinagmumura raw ng nasabing police colonel si CI sa harapan ng mga tauhan na labis na ikinahiya ni huli.

Mabuti raw at may umawat, kundi ay baka nagkaroon ng barilan sa pagitan ni colonel  at si CI, ayon sa kumakalat ng ulat.

Kapag nagkataon pala, eh, napakalaking alingasngas at kahihiyan ang dulot ng girian na ito ni sir at ni CI sa pambansang kapulisan.

At dahil jueteng ang dahilan ng kanilang away, aba’y iyan ang gustong-gusto ng mga senador at kongresista para magsagawa ng imbestigasyon.

Alam n’yo naman ang mga mambabatas,  kaagad nagpapatawag ng imbestigasyon kapag ang gusot ay mula sa jueteng.

Ibig sabihin eh, may jueteng pa sa lungsod ni Mayor Herbert ‘Bistek’ Bautista.
May nahuling kubrador eh, at dahilan pa ng away.

Dahil sa ginawang pagmumura raw ni colonel, maraming opisyal at lowly-ranked cops ang sumama ang loob kay colonel.

Pakiwari natin, eh, nasaktan sila sa inasal ni colonel.

Bakit nga naman pagmumurahin mo ang pulis na gumagawa ng tama.

Jueteng collector ang hinuli. Ang jueteng ay  bawal at labag sa batas.

Sa makatuwid ay tama ang ginagawa ni CI at mga tauhan.

Nakalulungkot na nangyari ang iringan ng dalawang opisyal at naging ugat ng demoralisayon sa QCPD ngayong halos isang linggo pa lamang nakakaupo si C/Supt. Mario de Vega (bilang QCPD director).

Para malaman ang katotohanan sa likod ng nakaririmarim na ulat na ito, kailangan sigurong ipag-utos ni Gen. De Vega ang isang imbestigasyon.

Dapat sigurong makialam na rin si Dir. Gen. Bartolome, ito’y kung nais niyang mapawi ang umuugong na demoralisyon sa QCPD dahil sa paghuhuli sa jueteng kubrador.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply