DOLE, NEDA igigisa sa kakapusan ng trabaho

NAIS ipatawag ng isang senador ang mga kinatawan ng Department of Labor and Employment (DOLE) at National Economic Development Authority (NEDA) upang magbigay linaw sa hindi magkakatugmang job generation plan ng pamahalaan sa aktuwal na bilang na lakas-paggawa.

Sinabi ni Sen. Ralph Recto na kailangan magkaroon ng pagsusuri ang Senado sa lumalawak na gawa sa paglikha ng trabaho sa aktuwal na bilang ng taong walang hanapbuhay at taong nakakuha ng trabaho ngunit halos nagkukumahog na mabuhay sa kakarampot na kita.

“Walang trabahong naghihintay sa lumolobong bilang ng lakas-paggawa. Kaya nararapat na magkaroon ng pangkalahatang plano upang maidugtong ang lumalagong bilang ng paggawa sa nililikhang hanapbuhay,” ayon kay Recto.

Natuklasan ni Recto na lumago sa 4.5% ang lakas-paggawa ng bansa o lumago ng 1.902 milyon sa dating 39.287 noong Oktubre 2010 tungo sa 41.189 milyon sa katulad na buwan nitong 2011.

Ayon kay Recto, lumalago ang bilang ng lakas-paggawa ng bansa, ngunit nananatiling pinakamataas ang tantos ng kawalan ng hanapbuhay  (unemployment) sa rehiyon sa kabila nang pagbagsak mula sa 7.1 porsiyento noong Oktubre 2010 tungo sa 6.4 porsiyento nitong Oktubre 2011.

Sa aktuwal na bilang, lumago ang bilang ng walang trabaho sa 239,000 mula sa 7.141 milyon noong Oktubre 2010 sa 7.380 milyong nitong Oktubre 2011.

Sinabi pa ng senador na mahigit 50 porsiyento nang walang trabaho ay kabataan na may edad na 15-24.

Iginiit pa ng senador na mas lolobo ang bilang ng walang hanapbuhay nang mahigit 564,000 na college graduates na patuloy na naghahanapy ng mapapasukan nitong Enero 2011 at magkakaroon pa ng panibagong 700,000 bagong graduates sa Marso na walang malinaw na mapapasukan.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply