Drama sa hukuman

MARAMI ang sumusubaybay sa impeachment trial ni Chief Justice Renato Corona at sa haba ng TV coverage ay nasasaksihan ng milyon-milyong viewer ang drama ng paglilitis. Ang mga balitaktakan ng mga abogado, argumento ng mga senador at salaysay ng mga testigo ay tila isang telenovela na sinusundan ang susunod na kabanata.

Sa karanasan ko sa pagiging abogado ay marami rin akong nahawakan at nasaksihan na tunay na tunay na drama sa buhay ng tao. Minsan sa isang custody case ng dalawang bata sa pagitan ng ina at lola, pinanigan ng husgado na ipagkaloob ang custody ng mga bata sa ina. At maluha-luha rin ako na nakitang magkayakap nang mahigpit ang dalawang bata at ayaw sumama sa kanilang ina. Nakita ko ang judge na isang babae na naaawa rin sa mga bata ngunit kailangan niyang pairalin ang batas na mas may karapatan ang ina kaysa lola.

Malimit din na puno ng drama ang paglilitis ng annulment cases ng mag-asawa. Kaya ang ilang Hukom ay ginagawa ang paglilitis na mga partido lamang sa kaso ang nakasasaksi.

May isang support case din akong nahawakan na ang nagdemanda ay isang binatilyo laban sa ama na nakalimot na sumuporta sa anak. Nakuha namin para sa binatilyo ang suportang hinihingi at ginamit niya ito sa pag-aaral. Dumalaw siya sa aking opisina maraming taon na ang nakalipas at ganap na rin siyang abogado.

Sa isang demokrasya tulad sa atin ay umiiral ang batas sa mga relasyon ng tao. Malimit ay nagiging malupit ang batas ngunit kailangan iyon ang sundin. Kung hindi paiiralin ang batas at kapritso lang ng tao ang masusunod ay masisira ang tiwala natin sa mga Hukuman.

Balikan natin muli ang ilang tunay na drama sa  buhay na nililitis sa Hukuman.

Minsan sa isang annulment case ay itinanong ng judge sa lalaki kung totoong sumama na siya sa ibang babae at hiniwalayan na nito ang asawa.
Sumagot ng “OO” ang lalaki at sinabi na gusto na niyang sumaya ang buhay niya. Tinanong muli siya ng Hukom kung alam ba niyang mali ang ginawa niya at sinagot niya ng “OO” pero gusto kong maging maligaya.

Hindi ko na isasaad ang nang-yari sa kaso ngunit makikita natin na bagama’t alam ng tao na mali ay gagawin pa rin niya kung ito ang magpapaligaya sa kanya. At meron pa rin namang tao na maninindigan sa tama kahit magdudulot ito sa kanya ng matinding kalungkutan.

Marahil kayo rin ay nakaranas ng ganitong dilemma sa buhay at pawang kayo lamang ang makasasagot kung tama o mali ang iyong pinili. Sa hukuman, paninindigan ang tama at ibabasura ang mali. Sa damdamin ng ilan, ang mahalaga ay ang kaligayahan nila at kapag ganoon, diyan magsisimula ang drama sa Hukuman.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply