Drama sa korte: Ang pikon talo

TINUTUKAN natin ang paglilitis sa Impeachment Court kay Chief Justice Renato Corona kahapon.

Naging kapuna-puna ang pagtatakip ng tainga ni Atty. Vitaliano Aguirre habang nagsasalita si Senator-Judge Miriam Santiago.

At naging matalim ang mata ni Senator-Judge Jinggoy Estrada.

May ebidensya pa: ang video na kinukuha pa mismo ni Senator-Judge Allan Peter Cayetano at ng mga kasamahan natin sa media.

GUILTY SA CONTEMPT

Dalawang tsikas na Senator-Judge ang agad na nagkampihan makaraang magsalita si Estrada na pambabastos sa Impeachment Court ang ginawa ni Aguirre.

Nagpanukala ng cite for contempt si Santiago at sinegundahan siya ni Senator-Judge Pia Cayetano.

Mismong si Pia ang bumasa ng patakaran ng Impeachment Court ukol sa contempt.

Hindi umubra ang katwiran ni Aguirre na nangangailangan ng respeto at hindi pambabastos ng kahit sino.

Hindi rin umubra ang katwiran niyang masakit na sa tainga ang boses ni Santiago kaya tinakpan niya ang kanyang tainga.

Maging ang katwiran niyang mali si Santiago sa pagsasabing ngayon lang nangyari na basta na lang mag-withdraw ang prosekusyon sa kabila ng mga pahayag na kaya nilang isulong ang lahat ng walong kaso.

Sabi naman ng mga senator-judge, simula’t simula pa lang ay nagtakip na ng tainga si Aguirre.

At may ibig sabihin iyon.

Sa huli, guilty si Aguirre.

UNANIMOUS ANG DESISYON

Sabi ng mga senator-judge, malaki ang posibilidad na hindi lang si Santiago ang gaganoonin ni Aguirre.

‘Yun bang === pakitaan ng sadyang hindi pakikinig at pagsasara ng tainga.

At kayabangan umano sa halip na humiling ng pasensya o magsalita nang mahinahon.

Ano nga naman ang mangyayari kung may ganitong klaseng abogado?

Dapat nakabukas ang tainga ng lahat upang maging malinaw ang lahat ng usapan.

At kapag nagkaroon na ng mga matitinding usapin ay walang magmamaang-maangan.

HINDI NA PO UULIT

Sabi ng mga abogado, lalo na sa prosekusyon, hindi na mauulit ang nangyari.

Naalaala ko tuloy noong bata pa ako.

Kapag ako’y nangungulit at sinita ng titser, sabi ko agad, hindi na po ako uulit.

‘Yun ang ating kabataan.

At tinutupad naman natin.

Mahirap nang mapalo sa susunod ng titser.

At mahirap din para sa isang abogado ang magkaganito.

Pero all is fair in war and peace.

Nakuha ng mga senator-judge ang gusto nila, nakuha naman ni Aguirre ang gusto niya.

WALANG EPEKTO SA PAGLILITIS

Ang sinasabi ng mga prosecutor-judge congressman, walang epekto sa kanilang kaso ang nangyari kay Aguirre.

Sa dami umano ng kanilang mga testigo at dokumento na isinumite, tiyak umanong mako-convict si Corona.

Walang epekto dahil wala namang hinawakan na kaso si Aguirre. Meron sana siyang hahawakan pero pinagkakambyong paatras ng prosekusyon.

Pero payong kapatid sa mga nasa prosekusyon, dapat na walang ganun silang ipakikita sa hukuman.

Alam naman ninyo sa laro.

May mga natatalo sa teknikalidad.

SA LAMAN MAGDEDESISYON

Pero sa takbo ng mga pangyayari, nakikita natin kung gaano kagagaling ang mga senator-judge.

Kaya naman, inaasahan nating hindi magbabase ang mga ito sa kalokohan o kagaguhan ng depensa o prosekusyon.

Sa batas at ebidensya sila magbabase.

WALANG PERSONALAN

Ito’y kahit na bahid ng pagkiling ang ilan lamang sa mga senator-judge sa unang araw pa lamang.

Alalahanin na sa anomang desisyon na may kalokohan, hindi yan pinalalampas ng taumbayan.

Remember EDSA always.

EO 464 NI CGMA INULIT NG SC

Tapos na ang parte ng prosekusyon sa pagpiprisinta ng ebidensya.

Guilty si Corona, sabi nila.

Pero kokontrahin ito ng depensa o panig ni Corona.

Sasanggain nina Corona ang lahat ng mga suntok na pamatay at hindi ng prosekusyon.

Isa sa mga taktika ng mga ito ang pagkalos sa lahat ng mga ebidensya na matitindi.

Siyempre, karapatan nila yan.

MAG-ALA JAWO SA PAGBABANTAY

Kaya dapat na magbantay rito ang mga nasa prosekusyon.

Kumbaga sa basketball, dapat na mag-ala-Jaworski ang mga tagausig-kongresman.

Mahirap nang ituwid ang lahat kung matsatsaptsap ang lahat ng mga malalakas na ebidensya at maging walang kuwenta sa huli.

Hindi natin sinasabing magogoyo nina Corona ang mga senator-judge pero maging mapagbantay talaga ang mga kakampi ni PNoy sa laban.

‘Yun ay kung gusto nila talagang manalo sa kaso at tulungan si PNoy na kalusin ang lahat ng mga iskalawag sa gobyerno at sagabal sa mabilis at tamang pagkamit ng katarungan at tuwid na daan sa pamamahala.

KAHIT ISA LANG KNOCKOUT NA

Kung iisipin, hindi naman kailangan na sandamukal ang kaso na isasampa laban sa isang akusado.

Pupuwede nang ma-convict ang akusado kahit sa isang sumbong lamang.

O Cong. Niel Tupas, may tatlong kaso.

Sa tatlong suntok, knockout na ba si Chief Justice Corona?

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring itawag o i-text sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply