Driver na pumatay ng guro, kinasuhan na

SINAMPAHAN na ng kaso ng pulisya ang driver ng Samsung Philippines na umaming pumatay sa 49-anyos na guro na iniulat na nawawala matapos dukutin noong nakaraang buwan sa Ayala, Alabang, Muntinlupa City.

Aminado ang suspek na si Jonie Ortiz, 39, na siya nakapatay sa biktimang si Julieta dela Cruz subalit ikinaila niya na ginahasa niya ang babae matapos matagpuan ang bangkay sa ilalim ng tulay sa Ayala Greenfield sa Barangay Maamong, Calamba Laguna nitong Huwebes ng hapon.

Nakababa ang suot na jogging pants ng biktima nang matagpuan kaya hinihinala na hinalay muna siya ng salarin bago pinaslang.

Si Dela Cruz ay huling nakita noong Enero 12 nang sumakay sa isang Toyota Grandia na (XNG 172) matapos ihatid ang Koreano niyang estudyante sa Ayala Alabang.

Sinabi ng suspek sa pulisya na inalok niya ang biktima na sumakay sa kanyang van hanggang sa labas lamang ng Ayala Alabang subalit nang makasakay na ay hinimok umano siya na ihatid siya sa kanyang tirahan sa BF Homes sa Parañaque City.

Nang isauli ni Ortiz ang van sa kompanya, basag na ang windshield nito at may bahid pa ng dugo. Hindi na umano pumasok pa sa kompanya ang suspek hanggang magpasyang sumuko sa pulisya noong Miyerkules ng hapon at ituro kung saan niya itinapon ang bangkay ng biktima.

Sinabi ni Ortiz na nakababa ang jogging pants ni Dela Cruz dahil nagkaroon sila ng pag-aaway. Hinihintay pa ng pulisya ang resulta ng awtopsiya upang malaman kung ginahasa ang biktima.

Si Ortiz ay kasalukuyang nakapiit sa National Capital Region Police Office (NCRPO) sa Camp Bagong Diwa, sa Taguig City.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply