Dry run sa motorcycle lane sa EDSA sinimulan

NAGPAKALAT na ang  Metropolitan Manila Development Authority ng 50 traffic aides sa kahabaan ng Epifanio delos Santos Avenue (EDSA) upang ipatupad ang motorcycle lanes ngayong araw.

Binigyan ni MMDA chairman Francis Tolentino ng last-minute briefings ang traffic aides sa MMDA headquarters sa Makati City bago sumabak sa kalsada kung saan nakasuot ang mga ito ng pulang uniporme bilang paggunita sa Araw ng mga Puso.

Ngayong linggo ang dry run ng MMDA sa pagpapatupad ng batas sa motorcycle lane sa EDSA.

Ang designated motorcycle lane sa EDSA ay ang ika-apat na lane mula sa kanang bahagi ng bangketa ng  kalsada na tatakbo mula Monumento sa Caloocan, hanggang SM Mall of Asia sa Pasay City.

Ang mahuhuling mga lalabag sa dry-run ay padadaluhin sa 15 minutong seminar na gaganapin sa mga itinakdang lugar sa Roxas Blvd. Orense, White Plains, Timog, at Quezon Avenue at matapos ang seminar ay pagkakalooban ng mga sticker na hugis puso na may MMDA logo  at mga katagang Certified Motorcycle Riders at Disiplinado Ako.

Nagsimula ang paglalagay ng motorcycle lanes sa EDSA dahil sa Memorandum Circular 12-01 Series of 2012 na inaprubahan ng Metro Manila Council noong isang buwan.

Sinabi ni Tolentino na ang pagpapatupad ng motorcycle lanes ay mahalaga para sa mas maayos na trapiko sa kahabaan ng EDSA at mabawasan ang bilang ng mga aksidente na may kaugnayan sa mga motorsiklo.

Sa ulat ng MMDA , ang bilang ng mga motorsiklong bumabagtas sa EDSA araw-araw ay 6,559 pa-northbound, samantalang 5,173 sa mga southbound lane.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply