Economic activism epektibo ba o hindi?

NAKAPAGTATAKANG nagugulat pa ang mga kasama natin sa sektor ng transportasyon tuwing nababanggit ko ang mga salitang “economic activism” tuwing naglelektyur ako tungkol dito. Tila ba ito’y isang banyagang konsepto o gawain.

Oo nga’t hindi ang mga Filipino ang gumawa nito, ang economic activism o aktibismo na tutok sa aspeto ng pangkabuhayan ay hindi na bago.

Palibhasa, kapag binanggit ang salitang “aktibismo,” ang karaniwang naiisip natin ay pulitikal na pakikibaka, karaniwang may kasamang karahasan sa iba’t ibang antas.

Mayroon ding walang halong karahasan. Ang tawag dito ay “civil disobedience.”

Sa kasaysayan ay napatunayan nang epektibo ito.
Magbigay tayo ng ilang halimbawa. Ang pinakasikat na marahil ay ang civil disobedience na pinangunahan ni Mahatma Gandhi sa India. Ang tawag ni Gandhi dito ay “satyagraha.”

Isinagawa ang satyagraha upang tutulan ang hindi makatarungang batas ng Britanya na nakasasakop sa India noon. Kalaunan ay lumayas ang among kolonyal dahil sa ipinakitang lakas ng mga nasasakupan.

Sa Estados Unidos naman ay nawasak ang sistemang naghihiwalay sa mga puti at itim. Sa Alabama, halimbawa, may batas na kapag maitim ang balat mo, dapat kang umupo sa hulihan ng isang bus.
Hindi ito sinunod ni Rosa Parks kaya’t pinababa siya sa bus. Sa pangunguna ni Rev. Martin Luther King ay nag-civil disobedience ang mga African-American upang pilitin ang pamahalaan na balewalain ang mga di-pantay na batas. Nagtagumpay sila nang lumaon.

Ang “economic activism” na isusulong ng 1-UTAK party-list ay maihahalintulad sa civil disobedience; ang diperensya lamang ay nakatutok ito sa pangkabuhayang aspeto ng pamumuhay.

Halimbawa, kapag ang mga kompanya ng langis, tulad  ng Big 3, ay napapansing naniningil ng di makatwirang presyo ng mga produktong petrolyo, iboboykot ang mga ito at ang nagkakaisang tatangkilikin ay ang mga kompanya ng langis na hindi nandaraya.

Abalang-abala na ang mga kasapi ng alyansa ng 1-UTAK, kabilang ang TRANSPORTER, sa pag-iikot sa mga kasapian nila upang ipaliwanag ang sistema ng economic activism na isasagawa ng buong alyansa at kung paano ito gagawin.

Oras na simulan ang programang ito, makikita natin ang tunay na consumer power ng mga kasapi sa sektor ng transportasyon. Magkakaalaman na kung ang economic activism ay epektibo nga ba o hindi.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply