Gabinete ni PNoy isa-isang nagbibitiw– arsobispo

NANINIWALA si Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz na marami pang miyembro ng Gabinete ni Pangulong Benigno “PNoy” Aquino III ang susunod na magbibitiw sa puwesto.

Ito’y kasunod nang pagbibitiw sa puwesto si Solicitor General Jose Anselmo Cadiz.

Ayon kay Cruz, dating pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), posibleng nakikita at nararamdaman na ng ilang Gabinete ni PNoy tulad ni Cadiz na wala talagang patutunguhan ang kasalukuyang gobyerno o ang ipinagmamalaki nitong “tuwid na daan.”

Ikinalulungkot lang ng arsobispo na kung sino pa ang matino at dapat manatili sa puwesto ay kusang umalis sa tungkulin.

Ang mga Gabinete naman aniya na dapat sana ay matagal nang inalis o sinibak sa puwesto dahil sa kahihiyang ibinibigay sa administrasyon ay siya pang nananatili sa puwesto.

“Marami pa ang susunod diyan. Di lang si Cadiz! Sunod-sunod na yan pagkat napapansin nila na wala talagang patutunguhan ang gobyernong ito!” ayon aky Cruz, sa panayam ng church-run Radio Veritas.

Nakakalungkot pa ani Cruz, dahil kung sino pa umano ang matino at dapat manatili sa pwesto ay sila pa aniya ang naaalis at kung sino ang dapat sibakin ay patuloy pang pinoprotektahan ni Pangulong Aquino.

Kaugnay nito, umaasa naman ang arsobispo na magigising, matatauhan at magkakaroon ng ‘delicadeza’ ang ibang opisyal ni Pangulong Aquino na walang ginagawa kundi magdulot ng kahihiyan sa kasalukuyang administrasyon.

Matatandaang bukod kay Cadiz, una na ring nagbitiw sa tungkulin sina dating Tourism Secretary Alberto Lim, dating Transportation and Communication Secretary Jose Ping de Jesus at dating Bureau of Corrections Chief Ernesto Diokno.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply