Ganti ng buraot

MASAYA na sana ang vendors ng Cubao, Quezon City dahil matapos mabanatan sa diyaryo ay tumigil sa bambuburaot sa kanila ang pesteng si Jigz Buraot, isang pulis-pulisang galing sa Maynila na umaastang tulisan.

Pero iyon ay panandalian lang. Ngayon, muli na namang nangongolekta si Jigz Buraot mula sa magnagtitinda sa bangketa at kung saan-saan pa na sinasabi niyang iniutos sa kanya ng amo niyang si Supt. Ramon Pranada, hepe ng Quezon City Police District (QCPD)-Cubao Station.

Naunang iniutos ni dating QCPD director Chief Supt. George Regis ang imbestigasyon laban kay Jigz Buraot. Sinabihan nito si Pranada na ayaw niyang may reklamo ang mga nagtitinda hinggil sa kotong. Kaya naman, natigil ang pangingikil ni Jigz Buraot sa mga taong nagbabanat ng buto para kumita ng barya na pambili ng pagkain ng kanilang pamilya.

Pero, kamakailan lang ay muli na namang tinawagan ng pansin ng vendors ang Pakurot dahil muli na naman umano silang pinipinsala ng buraot na ito. Mas matindi na umano ang atake ni Jigz dahil wala na itong patawad. Mas malaking butaw na ang hinihingi nito at hindi si Col. Pranada raw ang masusunod sa koleksyon kung hindi siya. Sa madaling salita, babawiin ng buwayang ito ang nawalang kita ng ilang araw dahil sa utos ni Gen. Regis.

Wow! Bigtime talaga umasta ang Jigz Buraot na ito. Kaya naman maging ang mga totoong pulis na naka-assign sa Cubao ay asar sa kanya dahil kung makaasta umano ito ay parang langaw na nakatuntong sa kalabaw.

Tinatakot pa nitong buraot na ito ang mga magtitinda na kapag nalaman niya kung sino ang nagsusumbong sa media ay bubugbugin niya. Siga talaga ang kumag!

Iba-iba ang singil ni Buraot sa vendors. May P90, P100, P150 at P250, depende sa latag. Pati ang tsuper at barker ay hindi nito pinatata-wad. P15 bawat isa ang barker. Ilang barker ang iniikutan ng kolokoy na ito?

Maging ang mga namamalimos na may kapansanan at nagkasakit na vendor ay hindi pinagbibigyan nitong si Jigz Buraot. May toka o kotong din siya sa mga ito araw-araw. Walang pahinga.  Kung hindi lang masama na manalangin ng masama sa kapwa, tiyak isinama ko na itong si Jigz na sana ay dapuan ng matinding karamdaman upang matigil na ang kanyang mga kalokohan.

Kaya nga dalangin ko na lang na sana ay matauhan itong taong ito na maisip niya na masama ang kanyang ginagawa at hindi maganda na  ang kita niya sa kanyang pambuburaot ang ibubuhay niya sa kanyang pamilya. Maganda pa ring ipakain sa iyong pamilya ang katas ng iyong pinaghirapan.

Nais  ba ninyong ibahagi ang inyong karanasan sa opisyal at tauhan  ng pulisya o pamahalaan at pribadong indibidwal? Maaari kayong mag-text sa 09215175814 o mag-email sa Santi_lean11@yahoo.com.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply