Gapangan vs TRO sa Corona dollar account, itinanggi

WALANG gapangan sa senator-judges upang bumaligtad sa posisyon na sundin ang ipinalabas na temporary restraining order (TRO) ng Supreme Court laban sa subpoena ng impeachment court sa dollar account ni Chief Justice Renato Corona.

Ito ang inihayag ni Sen. Joker Arroyo matapos umugong na ginagapang ng ilang pro-administration senators ang kasamahan upang bumaligtad at panindigan ang posisyon ng impeachment court na huwag sundin ang TRO laban sa dollar accounts ni Corona.

Ayon kay Arroyo, walang kumakausap sa kanya at sa iba pa niyang kasamahan mula sa administration senators para baguhin ang posisyon nila na sundin ang TRO ng High Court.

“Bakit naman sila makikipag-usap sa amin?” Tanong ni Sen. Arroyo na isa sa nagbigay ng posisyon na dapat sundin ang TRO ng kataas-taasang hukuman.

Itinanggi naman ng senador ang naging pahayag ni Senador Franklin Drilon sa isang local radio station, na mayorya ng Senado ay tutol sa pinalabas na TRO ng SC.

“Hindi pa namin alam, magko-caucus pa lang kami,” wika ng senador.

Sa Lunes ay magpupulong ang mga senador-judge upang desisyunan kung susundin o hindi ang ipinalabas na TRO ng SC. Humingi na ng tulong si Drilon sa Solicitor General upang siyang kumatawan sa magiging sagot nila sa SC.

Pabor naman si Arroyo sa pagkuha ng serbisyo ng Solicitor-General, kahit na may sariling abugado ang Senado na kalimitang sumasagot sa mga asunto sa SC.

Gayunman, anuman ang magiging sagot ng Solicitor General sa pinalabas na TRO ng Supreme Court ay kailangang manggaling sa mapagkakasunduan ng mga senator-judges sa pulong ngayong Lunes.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply