Gulo ng pangalan sa Italia, bulok na condo sa Ortigas

ANO na ang mangyayari sa overseas Filipino workers natin sa bansang Italia?

Kasi ipinipilit ng Italian government na pagtatanggalin ng mga dayuhan ang kanilang mga middle name.

‘Yun bang === apelyido ng isang OFW kung wala siyang asawa o apelyido ng pagkadalaga makaraan siyang mag-asawa.

Ang masama, sumang-ayon na ang embahada ng Pilipinas doon sa pamamagitan ng Circular 29.

Kabaligtaran ang ginawa ng ambassador natin ngayon ang pagtatanggol ng middle name ng mga OFW roon.

EPEKTO SA ITALIA

Malaki ang epekto, mga Bro, ng patakarang ito.

Kung walang middle name ang isang OFW sa Italia, paano ang dami-raming magkakapangalan sa First Name at Family Name?

Paano maihihiwalay ang mga may masasamang rekord at may magagandang rekord?

Daraanin na lang ba sa ibang paraan gaya ng mga finger print at iba pa?

Paano ang kanilang pag-aayos ng kanilang mga ari-arian?

Paano ang kanilang mga papeles sa pagbiyahe-biyahe hindi lang sa Italia kundi sa ibang bansa?

Paano ang mga relasyon ng bawat isa?

EPEKTO SA PILIPINAS

Kapag may transaksyon ka sa mga ahensiya ng gobyerno sa Pilipinas, paano mo gagamitin ang passport mo na isa sa mga pangunahin at pinagkakatiwalaang dokumento?

Hindi ka ba gagastos ng malaki gaya ng pagkakaroon ng mga affidavit para sa pagtutugma ng mga dokumento mo?

Paano rin ang transaksyon mo sa mga pribadong institusyon gaya ng mga bangko at pinapasukang trabaho?

Eh may middle name ka sa iyong voter’s ID, driver’s license, SSS ID at iba pa.

Baka naman dito sa Pilipinas ay kakailanganin mo pang pumunta sa korte para isaayos ang iyong pangalan.

Lalo na kung pag-claim ng bangkay ng minamahal o mana ang pag-uusapan.

Paano ang pagke-claim ng mga pensyon, ng sahod, ng birth certificate sa National Statistic Office, ng clearance mula sa National Bureau of Investigation at Philippine National Police?

PAGSASAMANTALA NG MGA AHENSIYA

Anak ng tokwa, parang nakikinita na natin kung paano pagkakakitaan na naman ng mga ahensiya ng Pilipinas ang problemang ito.

Bawat application mo sa driver’s license, clearance, prangkisa, permit, certificate at iba pa, kailangan mong magpagawa ng affidavit.

At alam ba ninyo na sa kagustuhang kumita ng mga ahensiya, doon ka sa kanilang ahensiya sapilitang magpapagawa ng affidavit.

Katakot-takot na gastos ang pagkawala ng Middle Name sa Passport mo dahil lang sa pagpunta mo sa bansang Italia.

Wala pa namang malinaw na patakaran ang Department of Foreign Affairs sa usaping ito.

GOV’T DAPAT UMAKSYON

Ngayon pa lang ay dapat na gumawa ang gobyerno ng Pilipinas ng malinaw na patakaran sa pag-iisyu ng mga passport at iba’t ibang visa bilang epekto ng pakikibagay sa kalakaran sa Italia.

Hindi dapat hayaan ang mamamayan na magulo ang kanilang mga papeles hindi lang sa pag-aabroad kundi sa mga transaksyon nila sa iba’t ibang bagay sa loob ng Pilipinas.

Dapat gumawa rin ang gobyerno ng mga patakaran para hindi makaranas ang mamamayan ng pagsasamantala ng mga ahensiya ng gobyerno dahil lamang sa hindi pagtutugma ng pangalang nakasanayang gamitin sa Pinas at pangalang ilalagay sa Passport at working o tourist o student visa patungo sa Italia.

UZI TEXT

Text ng mga UZIserong buwisit na sa sistema.

MAGNANAKAW AT ADDICT

Good day po! Dito po sa Clarkfield, Pampanga, ang lalaki po ng sahod ng mga CDC employees. Hindi na makuntento, marami pang magnanakaw sa kanila. Mga adik po kasi lalo na yung Security Department nila. +63948655….

CONDO NA BULOK

Puwede niyo ba kaming tulungan? Sa East Residences-Ortigas huwag kayong kukuha ng unit. Maraming alingasngas, walang amenities, pangit ang hagdanan, walang playground. Pag umulan pumapasok ang tubig sa bawat unit.

Kunwari condo, bulok naman yung building ng East Residences-Ortigas. Pag nagreklamo kami, ang panakot nila ay yung mga abogado nila at

pati impluwensiya nila sa gobyerno. Tumutulo ang tubig galing sa 5th Floor papuntang ground floor. Bahang-baha rito. Bastos ang mga empleyado nila.

Ang East Residences-Ortigas ay nasa Monaco St., Ortigas Ext. Rosario, Pasig. Pag-aari ito ni Peter Alvarez. Maraming  anomalya rito. Ang monthly dues hindi alam kung saan napupunta.

Mukhang construction site pa rin dito at 3 taon na hindi pa rin natatapos.

Subukan niyong mag-interview ng kahit sinong owner dito at malalaman ninyo ang problema.

Dito walang proper disposal ng basura, walang springkler. Maliliit ang mga fire extinguisher.

Ang daming violation.

Ang mga tauhan din ng P.A. Alvarez ang may pakana ng panloloob sa mga unit dito. Nahuli yung isang tauhan niya na may pangalang Narciso Carolino. Inilipat agad.

I-add niyo sa facebook ang Amethystivory jadetopaz at makikita niyo roon kung ano ang mga reklamo ng tao rito sa East Residences-Ortigas.

Ito ang e-mail ni Peter Alvarez: east_residences-ortigas@yahoo.com. Sa facebook ay amethystivoryjadetopaz. Pangalan po ng mga building yan. +63928785….

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring itawag o i-text sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply