Hawi boys ang bagong wang-wang

ANO na nga ba ang nangyari sa isa sa mga unang utos ni Pangulong Noynoy Aquino nung siya’y manumpa sa Quirino Grandstand noong Hunyo 30 taong 2010?

Ang kanyang utos na itigil ang paggamit ng blinker at sirena o mas kilala sa tawag na wang-wang. Ayon sa ating saligang batas ang mga ambulansya, fire truck, police mobile at ang tatlong pinakamataas na opisyal ng bansa lang ang pwedeng gumamit nito. Ngunit mismong si PNoy ang naunang nagpakita ng hindi paggamit nito na lubusang ikinabahala ng mga miyembro ng Presidential Security Group (PSG) dahil pati mga stoplight ay sinusunod ng presidential convoy na kautusan ni PNoy.

Ngayon, ano na ba talaga ang lagay nito?  Ang kasagutan dyan ay dalawa.  Una, meron pa ring mga politiko, mga pamilya at kaibigan nila na gumagamit nito.
Tinanggal nga ang mga blinker pero may tunog wang-wang pa rin. Ultimo isang barangay tanod ay patuloy na gumagamit nito. Sigurado akong may SK Chairman din na gumagamit nito. Pangalawa, ang HAWI BOYS na mas kilala bilang mga bodyguard o mga alalay ng singer-actor na si Randy Santigo noong kasikatan niya ay may bagong kahulugan na. Ito ngayon ang mga bodyguard ng mga pulitiko o mga opisyal ng gobyerno at pati ng mga ibang negosyante at artista.

HAWI BOYS dahil sila ang mga nakasakay sa convoy ng mga lintik na mga iyan na habang tumatakbo ang mga sasakyan ay nakabukas ang mga bintana at pilit kang patatabihin o patitigilin mauna lang sila at ang buong convoy.  Itong mga HAWI BOYS na ito karamihan ay pulis o sundalo. Sige na nga, pagbigyan na natin ang mga iyan maging ang kanilang mga amo. Pero alam niyo ba ang mga drayber ng convoy ng mga ito ay sira-ulong magmaneho? Makakadisgrasya na sila basta mauna lang. Balewala sa kanila kung ikaw ay may sakay na bata o sanggol, buntis, senior citizen, naka-oto man, motorsiklo, bisikleta, at iba pa. At pag hindi ka nagbigaay ay tututukan ka pa ng baril o di kaya pag minalas ka ay bababaan ka pa nila at sasaktan.

Para sa akin sila at ang kanilang mga amo ang lowest form of creature. Mabuti pa ang aso natuturuan ng magandang asal kaya naman sila ay man’s best friend sabi nga ng iba. Bakit ko isinasama ang kanilang mga amo? Dahil bilang isang nanunungkulan sa gobyerno o isang negosyante o ano pa man ay dapat may laman ang mga kamote este kokote ninyo. You should hire professional or educated people to protect you. Brief them properly before you hire. You are hiring them primarily to ensure your safety, not to endanger the lives of ordinary citizens and motorists. Napaka-arogante ng karamihan sa kanila dahil may mga bitbit silang armas o di kaya’y marami sila. Sa palagay ko pag nag-iisa sila at walang armas malamang mga duwag naman ang karamihan sa kanila.

Naalala ko tuloy ang yumaong dating Budget Secretary Emilia Boncodin na walang convoy at mga bodyguard. Minsa’y nabangga ang kanyang sasakyan sa parteng likod nito sa Pasay City. Pagkatapos makipag-usap sa nakabangga ay iniwan ang kanyang tsuper at agad na pumara ng taxi para makapasok sa kanyang tanggapan. Public official taking public transportation. Tunay na public servant!

***

Kaarawan bukas ng aking ama na si Nestor Quesada! Patuloy siyang bumabata may tina man o wala. Happy Birthday Pa!

***

Iniimbitahan ko po kayong makinig sa inyong lingkod tuwing Martes at Huwebes, 2:00 p.m. para sa INSIDE MOTORING RADIO sa DZRJ 810khz AM. Inaanyayahan ko rin kayong tangkilikin ang mga programang STOPLIGHT TV at INSIDE MOTORING TV na mapapanood sa PINOY EXTREME CHANNEL sa buong kapuluan at sa ABS-CBN The Filipino Channel (TFC) Global sa ibang parte ng mundo. Sa Kalakhang Maynila, ang Pinoy Extreme ay nasa Destiny cable ch. 83, Cablelink ch. 33 and G-Sat ch. 7. Mapapanood rin ito sa iba’t ibang mga cable operator nationwide. Kung may mga katanungan hinggil sa mga isyung motoring, motorsports at transportasyon, wag mag-atubili na makibahagi sa www.facebook.com/InsideMotoring o di kaya’y magtext sa 0918-4479006. Salamat po!

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply