HDO vs Koreano inipit ng BI

INABOT ng 23 araw ang paghahandang ginawa ng Bureau of Immigration para maipatupad ang inilabas na Hold Departure Order ng korte laban sa puganteng Korean national.

Sa mga dokumentong napasakamay ng pahayagang ito, ipinagtaka ni Immigration Associate Commissioner Abdullah Mangotara kung bakit tumagal sa Law and Investigation Division ang preparasyon para sa pagpapatupad ng HDO na inilabas ni Ma­nila Regional Trial Court Branch 14 Judge Albert Tenorio Jr. laban kay Kim Tae Dong.

Ang HDO na ipinalabas noong Disyembre 2, 2011, ay bunsod ng inihaing kasong estafa laban sa puganteng dayuhan upang mapigilan ito na makalabas ng bansa nang wa­lang pahintulot ng husgado.

Sa kanyang sulat kay Immigration Commissioner Ricardo David noong Disyembre 28, 2011, hiniling ni Mangotara na magsagawa ang kawanihan ng imbestigasyon kung bakit tumagal sa legal division ang paghahanda para sa pagpapatupad sa HDO.

Sinabi ni Mangotara na dapat sampahan ng kaukulang kaso at parusa ang sinomang opisyal at empleyado na napatunayang nagkasala dahil sa kapabayaan sa tungkulin.

Agad namang inatasan ni David sina LID chief Atorni Arvin Santos, Atorni Archimedes Aldaba at Confidential Agent Terence Mangoba na magpaliwanag kung bakit nag­karoon ng pagkabinbin sa pagpapatupad sa nasabing HDO.

Ayon pa kay Mangotara, Disyembre 27, 2011 na lang tinanggap ng kanyang tanggapan ang draft implementation order para sa HDO ni Kim, tatlong araw makaraan tumakas ang puganteng dayuhan mula sa kamay ng mga immigration jail guard sa St. Luke’s hospital.

Sinabi pa ng dating mambabatas mula sa Lanao del Norte na Disyembre 2, 2011 pa  natanggap ng Office of the Commissioner ang HDO laban kay Kim at naibigay umano ito sa tanggapan ni Santos sa kaparehong araw.

Sa kanyang paliwanag, sinabi ni Aldaba na kailangan munang maberipika mula sa nag-utos na husgado kung ang natanggap na HDO ay totoo, alinsunod sa umiiral na pata­karan ng kawanihan.

“On December 26, 2011, after my staff personally verifying the authenticity of the HDO from the court itself… The draft HDO was transmitted to room 401 for initial signature of the LID chief,” dagdag pa ni Aldaba.

Aniya, Disyembre 5, 2011 lang nila natanggap ang kopya ng HDO na ipinalabas ni Judge Tenorio at agad nitong inatasan ang kanyang staff na beripikahin kung may derogatory records si Kim sakaling tumakas ito.

Sa naturang beripikasyon, napag-alaman ni Aldaba na may tatlong kautusan ang umiiral upang mapigilan si Kim na lumabas ng bansa, kabilang na ang HDO na ipinatupad noong Hulyo 27, 2011 alinsunod sa hiling ng DOJ.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply