Hinay-hinay, bay!

KAYA tinatawag na propesyonal na drayber ang humahawak sa manibela ng isang pampasaherong bus ay dahil inaasahang mas maalam ito sa mga dapat gawin sa anomang sitwasyong maaaring madatnan sa kalsada.

Responsibilidad niya ang magdesisyon at dumiskarte ng wasto parati. Hindi paminsan-minsan, hindi madalas lamang kundi palagi, sa lahat ng oras at pagkakataon.

Marahil ay nabasa, narinig at napanood ninyo at ng taumbayan, mga ‘tol, ang balita kahapon tungkol sa isang aksidente sa Alabang viaduct sa Muntinlupa City na kinasangkutan ng isang bus ng JAC Liner.

May nasawi at marami ang nasugatan dito.

Napanood marahil ng iba sa atin kung paano gumewang-gewang nasabing bus bago ito sumalpok sa railings ng viaduct at umakyat sa malapit na center island bago tumagilid.

Sinisi ng drayber ng bus ang matubig na kalsada.

Mahirap sa kalooban ng kolumnistang ito na sisihin ang isa nating kabaro, ngunit dapat harapin ang katotohanan, sisihin at parusahan ang dapat sisihin at parusahan upang magsilbing leksyon at paalala sa ating mga kasama sa sektor.

Kaya nais nating sabihin, mga ‘tol, hindi lamang sa drayber ng bus na naaksidente kundi lahat ng mga nagmamaneho, na gumamit ng sentido kumon sa pagmamaneho.

Basa na nga ang kalsada ay magmamabilis ka pa? Dapat ay common sense ang pairalin.

Sabi ng drayber ng malas na bus, sisenta lamang umano ang bilis ng bus, pero tila hindi ito ang sinasabi ng CCTV.

Pero hayaan nating ang mga imbestigador ang magsabi sa atin kung ganoon nga.

Ang tiyak ay nagkamali ang drayber ng naaksidenteng bus. May “human error,” ‘ika nga. Kung minsan ay di maiiwasan ito. Pero hindi sa maraming pagkakataon.

Propesyonal na drayber tayo. Dapat ay alam natin ang dapat gawin sa bawat sitwasyon kasi ay nasa kamay natin ang buhay ng maraming mananakay.

Ito ang dapat nating isaisip sa bawat segundo at sa lahat ng oras.

Kaya’t dapat ay maghinay-hinay, ‘bay!

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply