Hindi ningas-kugon sa NCRPO

MAGANDA ang layunin ni NCRPO chief, Chief Supt. Allan La Madrid Purisima, para sa kanyang  mga kapulisan sa National Capital Region Police Office para nga naman tumaas ang tingin ng tao sa kanila.

Ang layuning ito ng magiting na Heneral ng NCRPO ay totoong magpapataas ng moral sa ating mga kapulisan hindi lang sa Metro Manila kundi sa buong ahensya ng Philippine National Police.

Isa sa gustong mangyari ni General Purisima ay mahigpit na ipatupad ang pagbabawal  sa mga pulis na manigarilyo sa harap ng publiko lalo na’t ito’y nakasuot ng uniporme at ang tamang asal sa pagkain.

Sabagay, masagwa nga namang tingnan sa isang nakaunipormeng pulis na humihitit ng sigarilyo habang naka-duty ito lalo’t  mahigpit na ipinatutupad ngayon ng pamahalaan ang Clean Air Act at Anti Smoking  Law.

At lalong masagwang tingnan ang isang pulis na nakasuot ng uniporme na nagsasalita na puno ang bibig o nagmumura sa harap ng pagkain lalo na sa mga karinderia.

Paano nga namang irerespeto ng mga tao ang isang pulis kung siya mismo ay hindi kayang irespeto ang kanyang sarili at pagpapatunay lang ito ng kawalang disiplina ng ating mga kapulisan.

May punto rito si General Purisima.

Ang gusto lang naman ng Heneral ay mapalitan at maitaas ang pagtingin ng publiko sa kapulisan mula sa pagiging lousy na pulis hanggang sa respetadong pulis.

Sa  ginawang ito ni  General Purisima, sana ay ito na ang maging panimula ng malaking pagbabago ng ating mga kapulisan dahil sabi nga nila  ang  namumuno ay isa ring magaling na tagasunod.

Ayon kay General Purisima, marapat lamang umano na kanilang  panatilihin ang pagiging Pulis Magalang, Pulis Mabilis at Pulis Malinis.”

Sana nga po magkatotoo, dahil sa ngayon ay napakarami na pong bastos, abusado at maangas na pulis lalo na ang mga bagong recruit.

At sana nga lang ay maipatupad ito nang maayos at huwag  maging ningas-kugon katulad ng maraming proyektong  maganda lang sa panimula at kapag na ipatupad na ay bigla na lang nawawala na parang bula.

Bukas po ang Lily’s Files Column natin para sa inyong mga reklamo, suhestiyon at komento. Mag-text lamang po sa 0915-5683000 o kaya ay mag-email sa lily_reyes13-@yahoo.com.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply