Illegal terminal, kolorum protektado ni Mayor Tony

NAGPALABAS na ng kautusan ang Malakanyang sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno para muling umaksyon kontra sa mga kolorum na sasakyan – partikular ang mga bus at van na bumibiyahe sa buong Metro Manila at ilang karatig probinsiya.

Kabilang daw ito sa mga pagtugon ni PNoy sa panawagan ng mga tsuper ng umento sa pasahe bunsod ng patuloy na pagtaas sa presyo ng gasolina at diesel.

Payo ko sa mga operatiba ng gobyerno, tutukan n’yo ang Pasay City dahil sa maruming lungsod na ito nakabase ang halos mayorya ng kolorum na mga sasakyan na pawang inirereklamo ng lehitimong mga asosasyon ng mga tsuper at operator.

At hindi lang sa kolorum sagana ang Pasay kundi maging sa mga iligal na terminal na nagiging sanhi ng pagkakabuhol ng trapik sa Taft Avenue, Buendia, Roxas Boulevard at EDSA.

Sa mga lugar rin na ito makikita ang samut-saring terminal ng mga pampasaherong bus, jeepney, FX at van na pawang iligal ang operasyon. Kundi man kolorum, marami sa mga terminal na ito ay pawang walang mayor’s permit o kaya’y “out-of-line” ang ruta ng biyahe.

Sa bahagi ng Buendia at Taft avenues, matagal nang inirereklamo ang mga terminal ng RRCG Transit, Lucena Lines, BBL Transit, DLTB, Jac Liner, mga airconditioned jeepney at mga terminal ng kolorum na van na bumibiyahe ng Laguna, Cavite at Batangas.

Malawakang trapik ang dulot sa publiko ng mga nabanggit na terminal ng mga bus dahil iisa lang ang daanan nila papasok at papalabas. Paglabag na ito sa itinatadhana ng batas para sa isang lehitimong terminal ng bus.

Sa dokumentong nakuha natin, hindi bababa sa P50,000 kada buwan ang ipinangsusuhol ng kompanya ng mga bus na ito sa mga awtoridad ng lungsod.

Ultimo mga kamag-anakan ng isang mataas na opisyal ng Pasay – na kikilalanin natin sa alyas na “Haring Bokbok” at “Prinsipe Kamote” — ay kapal-mukhang kumukuha ng “tara” sa mga terminal na ito kapalit ng proteksiyon daw mula sa kanilang kamag-anakang “bosing” ng lungsod.

Sa bahagi naman ng EDSA at Taft-Rotonda, magandang targetin din ang mga terminal ng Amihan, RJ Diaz Transit, Twin Hearts, Inland Bus at ng mga urban van na nakahimpil sa dalawang shopping mall sa Rotonda.

Sa Roxas Boulevard-EDSA Extension, santambak naman ang problemang dulot nitong si Aling Flor Aragon na mismong “utak” ng mga pinapipilang jeepney na biyaheng Alabang at Cavite.

Iligal ang operasyon ni Aling Flor pero “untouchable” daw dahil P10,000 araw-araw ang inihahatag nito sa mga awtoridad.

Kung susumahin, mahigit sa P2.5 milyon ang kabuuang halaga ng “tara” o “tong-pats” ang nakokolekta kada buwan mula sa mga iligal na terminal at mga kolorum na sasakyan na bumibiyahe mula Pasay City.

At para lamang daw sa mga lokal na opisyal ang halagang ito.

Tama ba ito, Mayor Tony Calixto at Moti Arceo, ang hepe (pa rin daw) ng Pasay City Traffic and Parking Management Office (PCTPMO)?

Kaya ba hanggang ngayon ay hindi pa rin kayo makakilos kontra sa mga kolorum na sasakyan at mga iligal na terminal sa Pasay?

Sobra-sobra ba ang ganansiya? Nagtatanong lang!

* * * * * * * * *

Anomang reklamo. komento o suhestiyon, text o tawag lang  sa 09994333437; 09278473781 at 0922-4346131 o kaya’y e-mail lang sa boyetmunar@yahoo.com at malugod ko kayong paglilingkuran!

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply