Impeachment iinit sa pagharap ng bank managers

INAASAHAN na ni Senador Sergio Osmeña III na tiyak na iinit ang paglilitis kay Chief Justice Renato Corona sa sandaling humarap ang mga ipinatawag na bank manager ng BPI at PSBank.

Gayunpaman, aminado si Osmeña na hindi pa nagdedesisyon ang impeachment court kung kanilang papayagan ang prosecution panel na gamiting ebidensiya ang bank record laban kay corona.

Ito ay makaraang umapela si Senadora Miriam Defensor Santiago sa ginawang pag-subpoena sa mga bank manager alinsunod na rin sa kahilingan ng prosecution.

Kaya bago humarap ang nasabing mga manager ng BPI at PSBank ay magsasagawa muna ng caucus ang senator-judges.

Ani Osmeña, posibleng dito magsisimula ang malaking laban dahil sa sandaling igiit ng prosecution na gamiting ebidensiya ang bank records ay asahan nang kokontrahin ito ng defense panel.

Ang bank records ay kinapapalooban ng mga sinasabing bank deposits ni Corona na hindi nito idineklara sa kanyang SALN.

Gayundin, inaasahan na rin ang palaging pag-absent ni Santiago sa paglilitis dahil sa kanyang hypertension na naglalaro sa 120 hangang 140 over 100.

Pabiro namang sinabi ni Santiago, kung pipilitin niyang dumalo sa impeachment trial ay mapapadali ang pagdadala sa kanya sa Memorial Park at tiyak na sasayawan siya ng mga kaaway niya sa pulitika sa tabi ng kanyang puntod.

Samantala inamin naman ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada na mahina pa ang mga ebidensiya ng prosecution panel sa Article 2 o ang hindi pagsasapubliko ni Corona ng ilang ari-arian at statement of assets and liabilities and networth.

Tulad ng ilang Senador-Judge, naiinip na rin si Estrada sa paglilitis at isa sa malaking dahilan nito ang madalas na pagliban ni Santiago dahil sa high blood.

Gayunpaman, ipinaliwanag ni Estrada na kung kanilang iko-convict ang Punong Mahistrado ay iisipin ng publiko na kontrolado ng Malakanyang ang Lehislatura at Hudikatura.

Sakali namang ma-aquit nila si Corona ay tiyak na hindi ito titigilan ng Malakanyang at mauuwi sa never ending story.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply