Impeachment nababalaho at ang mga harakiri

MEDYO nababalaho ang paglilitis kay Chief Justice Renato Corona sa kaso nitong impeachment.

Medyo nahahayblad na yata si Manong Johnny sa kahahanap ng mga ebidensya laban kay Corona.

Reklamo niya, lumalabas ang mga ebidensya hindi dahil sa pagpapagod ng mga congresman-prosecutor kundi sa mga subpoena ng Impeachment Court.

At umano, walang koneksyon ang mga testigo at ebidensya sa ilang article of impeachment.

Pero nagsasabi naman siyang “pag-uusapan nilang mga senador-hukom ang mga puntong ito.”

Nangangahulugan ba na maaaring magising pa rin ang mga pinatutulog ngayong mga usapin?

LEKSYON SA TAGA-USIG

Sa nagaganap na kalagayan, kailangan talagang mag-aral nang husto ang mga congresman-prosecutor.

Lumalabas kasing maaaring may kahinaan ang mga ito sa tamang pagpasok at paglabas sa mga eksena ng paglilitis o pagpapasok ng mga ebidensya at testigo at pagkalos sa mga hindi kailangan.

Mahirap naman talaga na mauna ang mga kongklusyon bago ang pagpiprisinta ng mga ebidensya.

Gaya ng nangyari sa Article 3 na naglalaman umano ng pagkiling ni Corona kay Lucio Tan ng Philippine Airlines laban sa mga miyembro ng FASAP dahil sa mga pabor na ibinibigay ng PAL kay Corona.

Yun bang === mga libreng sakay umano.

Bumaligtad umano ang desisyon ng Korte Suprema laban sa FASAP dahil sa mga pabor na ito.

BALAT AT TINALUPAN

Sabi ni Manong Johnny, naghahalo ang balat sa tinalupan.

Naghahalo umano ang mga Article of Impeachment lalo na sa usaping mga puntos sa ebidensya at batayang mga batas, kabilang na ang Konstitusyon.

Ewan lang natin kung nalilito na talaga ang mga senador o ang mga congresman-prosecutor.

Pero malinaw na hinahanap ng mga senador-hukom ang maayos na pagdaloy ng paglilitis gaya ng nangyari sa Article 2.

Baka diyan ma-convict si Corona.

Dahil malinaw na may mga ari-arian ito na mga bahay at pera sa bangko na wala sa Statements of Assets, Liabilities and Net Worth.

CORONA MAKAPAL ANG MUKHA

Ang sabi ng iba, makapal daw ang mukha ni Corona.

Ang dami-dami na umanong ebidensya sa pagkakaroon nito ng mga hindi deklaradong ari-arian at pera, eh, hindi pa mag-resign.

Lalong naging malinaw ito nang magbitbit na mismo ang mga taga-PSBank ng mga bank record nito ukol sa mga pinagdedeposito nito na mga milyon-milyong piso.

Pero gaya ng ginagawa ng iba, hindi obligado ang isang opisyal na mag-resign.

Kaya nga hindi obligado si Corona na magbitiw bilang chief justice.

Ang problema nga lang, paano ang kredibilidad ni Corona bilang Punong Mahistrado?

BUSILAK NA PANGALAN

Ang pinag-uusapan kasi sa hukuman, lalo na sa Korte Suprema, ay ang pagiging busilak ng bawat hukom, lalo na ang mga mahistrado gaya ng mga nasa Korte Suprema.

Dapat na walang anomang pagdududa o mantsa ang isang mahistrado.

Hindi bale nang may mantsa, punit at mukhang grasa ang mga mambabatas, taga-Palasyo at iba pang opisyal at empleyado ng gobyerno, huwag lang ang mga nasa hukuman.

Ngayon, ang tanong, eh, maituturing na bang mga mantsa o punit o grasa ang mga lumabas na kayamanan ni Corona nang hindi tumutugma sa kanyang sariling kita?

Sinasabi natin ito dahil mismong ang Korte Suprema ang gumagawa ng mga desisyon na nagtatanggal sa mga huwes sa mga nakamamantsa, nakapupunit at nakagagrasa sa kanilang mga robe.

HARAKIRI

Sa ibang mga bansa, gaya ng Japan, kung may ganitong mga pangyayari na nadadamay nang mapahiya ang nasabing bansa dahil sa mga kontrobersya ng mga opisyal, nagbibitiw ang mga opisyal.

Yung iba, sa paglabas ng mga ebidensya, may naghaharakiri sa kanila.

Yun bang === suicide.

Ganito rin ang kasaysayan ng bansang Korea.

Ilan nang Pangulo o matataas na opisyal ang nagpapakamatay para lang hindi madamay ang bansang Korea sa kanilang mga kalokohan?

INOSENTE HANGGANG…

Pero iba ang nagaganap sa mahal kong Pinas.

Matitibay ang sikmura ng mga opisyal dito.

Kailangang dumaan sa kaso, gaya ng impeachment ngayon, ang kalokohan ng mga opisyal

Ini-enjoy nila ang sinasabi ng batas na ang akusado ay itinuturing na inosente hanggang mapatunayang guilty.

Kaya nga abuso nang abuso ang marami sa mga ito at magnakaw nang magnakaw ang mga ito.

Sila pa ang masisipag na umangkin ng mga puwesto upang magkaroon sila ng kapangyarihan na proteksyon nila sa mga kasong pang-aabuso at pagnanakaw.

GUILTY SI CORONA

Hindi ko sinasabing ginagawa ito ni Corona at lalong hindi ko sinasabing guilty siya.

Ito lang ang nakikita ng mamamayan sa mga nagaganap dahil naunang may mga idinedemanda na opisyal at ang pagiging inosente ang kanilang ipinaglalaban hangga’t mapatunayan ang kanilang pagkakasala.

At tinutularan naman ng mga taga-Hukuman?

Sana nga hindi guilty si Corona.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring itawag o i-text sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply