Impeachment trial aabot ng isang taon- Chiz

HINDI na umano magtataka si Senador Francis Escudero kung abutin man ng isang taon ang paglilitis kay Supreme Court Chief Renato Corona dahil ititigil nila ito sa Lenten break.

Ayon sa senador, kapag nag-adjourn umano ang kongreso sa Marso 20, para sa Mahal na Araw, kailangan din nilang itigil ang paglilitis kay Corona.

Base sa legislative calendar ng Kongreso, babalik o magre-resume ang session sa Mayo 7, pero tatagal lang ito hanggang Hunyo 7 at magbubukas na muli sa Hulyo 23 kasabay ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Aquino.

Giit pa ni Escudero, hindi maaaring magpatawag ng special session ang Pangulo para sa paglilitis dahil ginagawa lang ito kapag may mahalagang panukala na dapat aprubahan.

Ayon pa sa senador, maipagpatuloy man nila ang paglilitis kay Corona sa buwan ng Agosto, mahahati naman ang kanilang oras dahil sisimulan na nila ang deliberasyon sa 2012 national budget.

Samantala, hinamon naman ni Escudero ang prosecution panel na ilatag muna ang mga basehan ng kanilang pagpapa-subpoena sa mga mahistrado ng Korte Suprema sa impeachment trial kay Corona.

Naniniwala ang senador na dapat maglabas muna ng mga ebidensiya ang mga taga-usig na may bigat at testimonya ng mga nais nilang isalang sa witness stand upang hindi magmukhang fishing expidition ang paglilitis.

Kaugnay pa rin sa hiling ng prosecution na i-subpoena ang may 13 mahistrado ng Korte Suprema sa pangunguna ni Senior Associate Justice Antonio Carpio na sinasabing mortal na kaaway ni Corona.

Nangangamba si Escudero, na kung basta na lamang nila payagan ang pagpapa-subpoena sa mga mahistrado ay gayahin ito ng Defense panel at ipatawag naman ang mga miyembro ng Kamara sa pangunguna naman ni House Speaker Feliciano Belmonte, Jr.

Ito ay bilang tugon naman ni Escudero sa hiling ni Sen. Joker Arroyo na kung ganito ang mangyayari ay masisira ang separation of powers ng Ehekutibo, Lehislatura at Hudikatura.

Samantala, wala namang nakikitang saysay si Escudero na i-subpoena ang ilang kagawad ng media kaugnay ng ulat na kinasasangkutan umanong anomalya ni Corona.

Ipinaliwanag ni Escudero na kahit na isalang ang mga ito sa witness stand, wala pa ring magiging bigat ang kanilang mga testimonya.

Ito ay dahil kinuha lamang ang kanilang balita sa sources na maituturing na hearsay o tsismis.

Nilinaw din ni Escudero na hindi rin nila maaaring pilitin ang mga mamamahayag na isiwalat ang source ng kanilang mga balita dahil paglabag naman ito sa Freedom of the Press.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply