Indulto sa Visayas

HABANG sinusulat ko ang piyesang ito ay hindi magkanda-ugaga ang mga kababayan natin sa Negros Oriental na biktima ng lindol at landslides noong nakaraang
Lunes.

Ang nakababahala pa sa insidente ay parang huli na nang napansin ng mga news outfit ang delubyo dahil lahat ay nakatutok sa impeachment hearing ni Supreme Court Chief Justice Renato Corona.

Naganap ang lindol alas 11:49 ng umaga sa karagatan ng Western Visayas na naitala sa lakas na magnitude 6.8. Umabot na sa 43 ang nasasawi habang isinusulat ko ‘to at napakaraming bahay na ang nagunaw dahil sa landslides at pagguho ng lupa.

Masasabi pang isa itong malawakang kalamidad dahil umabot pa sa Cebu City at mga karatig-pook ang pagyanig na nakapinsala rin sa mga gusali sa naturang bahagi ng Visayas.

Pero sa Senado, mas nababahala ang mga Congressman sa pagpapatalsik kay Corona.

Ni walang nakaisip na suspendihin muna ang pagdinig para maasikaso ng mga halal nating pinuno ang nabiktima nating mga kababayan.

At ang radyo at telebisyon na kung ordinaryong panahon ay nagkakandarapa na sa pag-uunahang maka-broadcast ng balita mula sa Visayas ay ipokritong nagbigay ng token na coverage sa pamamagitan ng flash reports. Para bang mas importante sa kanila ang pagdikdik kay Corona kaysa sa buhay at kapakanan ng mga kababayan nating kanilang ipinagmamalaking pinagsisilbihan.

Noong panahon na ako ay nasa TV News, malamang inabandona ko na yang impeachment coverage na yan at hinakot lahat ng reporter ko patungong Visayas.

Pero ngayon, parang walang pake ang mga ito, dun pa rin sila sa Senado.

Nakalulungkot isipin na tila mali na talaga ang priority ng ating pamunuan at broadcast news outfits. Mas importante sa kanila ang magbalita ng pananakit imbes na magbalita ng pagtulong.

Hanggang saan kaya tayo magpapatuloy ng ganitong pag-uugali? At sino naman ang sisisihin natin kapag tinalikuran na tayo ng bayan na kunwari ay pinagsisilbihan natin?

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply