Sereno pahaharapin sa impeachment

IGIGIIT ng prosekusyon na patestiguhin si Supreme Court (SC) Associate Justice Ma. Lourdes Sereno sa Senate impeachment court.

Sinabi ni Ilocos Norte Rep. Rodolfo Fariñas, na pakikiusapan nila si Sereno na tumestigo sa impeachment court para patunayan ang kanyang dissenting opinion na direkta umanong nakialam si Chief Justice Renato Corona sa en banc session sa hinihinging Temporary Restraining Order (TRO)noon ng kampo ni dating pangulong Gloria Arroyo.

Ikinagalak din ng prosekusyon ang desisyon ng Senate impeachment court na huwag ibasura ang testimonya ni Justice Secretary Leila de Lima sa isyu ng dissenting opinion ni Sereno matapos mag-mosyon si Defense lead counsel Serafin Cuevas na alisin ang testimonya ng kalihim dahil sa isa lamang iyong “hearsay.”

Ipinaliwanag ni Fariñas na hindi naman criminal court ang Senate impeachment court kung kaya maaaring tanggapin ang hearsay testimony kung masusuportahan ng ebidensya.

Samantala, ikinukonsidera ng prosecution panel na tapusin na sa susunod na linggo ang pagpiprisinta ng kaso laban kay Chief Justice Renato Corona.

Ayon kay Cavite Rep. Joseph Emilio Abaya, manager ng prosecution team na batay iyon sa napagkasunduan sa meeting ng panel.

Katunayan, tatlo hanggang limang testigo na lang daw ang kanilang ipatatawag para humarap sa impeachment court.

Pero wala pa aniyang pinal na kasunduan kung ititigil ang presentasyon, pagkatapos ng article 7 o kwestyon sa paglalabas ng TRO ng Korte Suprema pabor kay dating Pangulong Arroyo.

Taliwas naman ito sa pahayag ni Marikina Rep. Miro Quimbo na hindi babawasan ng prosekusyon ang walong article of impeachment kundi paiikliin lamang ang paglalatag ng testigo at dokumento.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply