Ka-KKK ni Pangulong Noynoy untouchables

DAHIL sa kawalan ng aksyon ni Pangulong Benigno Simeon Aquino III ay pinatunayan lamang nito na “untouchable” ang kanyang mga ‘Kabarilan, Kaibigan at Kakilala’ o tinaguriang KKK tulad ni Presidential Adviser for Political Affairs Ronald Llamas, na nalagay na naman sa balag ng alanganin matapos mahuling personal na bumibili ng piniratang DVDs sa loob ng isang mall.

Ang pahayag ay ginawa ni Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz matapos sabihin ni PNoy na hindi niya sisibakin si Llamas dahil wala namang kinalaman sa trabaho nito ang pagbili ng pirated DVDs.

Hindi rin ikinatuwa ni Cruz ang pahayag ng pangulo at iginiit na ano pa kayang katwiran ang dapat ikonsidera ni PNoy para mapatalsik sa pwesto si Llamas.

Giit ng arsobispo, kapit-tuko sa pwesto ang mga miyembro ng KKK dahil mismong Pangulo ay hinahayaang kumapit sa kanya ang mga ito.

Mistula ring kinukunsinti ang kanyang mga opisyal na may kaso kaya patuloy na gumagawa ang mga ito ng kalokohan.

Dismayado rin si Cruz dahil puro salita lamang ang pangulo ngunit wala naman aniya itong ginagawa.

“Dami niyang salita na magandang pakinggan pero wala sa gawa. Hindi lang si Llamas ang untouchable kundi lahat ng miyembro ng KKK untouchable! Kapit tuko ang mga miyembro ng KKK kasi mismong ang bahay o dingding ay nagpapakapit,” aniya pa.

“Napakadali niyang sibakin sa puwesto ang mga opisyal na ayaw sumunod sa kanyang gusto kahit walang ginagawang balukto’t pero ang mga napabilang sa kanyang sa KKK ay untouchables.”

Matatandaang sa ikalawang pagkakataon ay nalagay sa alanganin si Llamas matapos maaktuhan at makuhanan ng larawan ng isang editor ng pahayagan si Llamas na bumili ng mga piniratang DVD sa isang mall na nagkakahalaga ng P2,000.

Una nang nalagay sa hot water si Llamas matapos madiskubreng nag-iingat ng matataas na kalibre ng armas.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply