Kabog sa kasikatan ng ina!

NAKU, mukhang mahihirapan talaga si Garie Concepcion na sumikat ngayong taon na ito. Kabog na kabog kasi siya ng nanay n’yang si Grace Ibuna sa pagiging kontrobersyal sa panahong ito dahil sa pa-giging common-law wife ng yumaong Congressman Iggy Arroyo.

Mukhang kahit na maiuwi na rito at mailibing ang labi ng nasirang kapatid ng dating First Gentleman Mike Arroyo, patuloy pa ring nakalkal ang kontrobersyal na buhay ni Grace. Mukhang hindi siya titigilan ng mga babaing nagkaroon din ng kaugnayan sa yumaong mambabatas lalo pa’t siya mismo ang nagpalabas ng balitang nasa last will and testament siya ni Iggy. Malamang na kaliwa’t kanan ang haharapin n’yang demanda pag nailibing na ang mga labi ng congressman. May mga anak pala sa una n’yang misis ang yumaong mambabatas at kung sa last will and testament ay isinali si Grace sa mga magmamana ng salapi at ari-arian, malamang na kwestyunin yon sa korte ng mga anak ng congressman at ng mga babaeng naging “misis” n’ya sa iba’t ibang panahon.

Going back to Garie Concepcion, masasabing isang hadlang pa rin sa pagsikat n’ya ang biglang pagbisita (o permanenteng pagbabalik na ba?) ng half-sister n’yang si Chloe na anak naman ni Gabby sa rating commercial model na si Jenny Syquia.

Halatang interesado si Chloie na makilala sa Pinoy showbiz dahil kahit hindi siya marunong mag-Tagalog dahil sa Sweden siya lumaki, nagpaunlak siyang maging guest judge sa It’s Showtime (siyempre pa, sa Ingles n’ya sinabi ang lahat ng komentaryo n’ya sa performance ng mga contestant).

May mga nagsasabing kahit na magkakahawig ang tatlong anak ni Gabby sa iba’t ibang babae, si Garie ang kapos sa ganda dahil sa mga features n’yang galing sa kanyang ina na Pinay na Pinay ang itsura, lalo pa’t ang tinatawag na kayumangging kaligatan ang kutis ni Grace.

Pero sinasabi ngang madaling makalimot ang Pinoy sa anumang kontrobersyang kinasangkutan ng mga taong gustöng maging idolo, gustong hangaan ng madla. Pag nahuli mo ang kiliti ng madla, ‘ika nga, sisikat at sisikat ka pa rin anumang kontrobersya ang bumatik sa reputasyon mo. Si Kris Aquino ang pangunahing halimbawa ng ganung klaseng idolo. At sa totoo lang, wala namang idolo na ‘di naputikan ng kontrobersya ang pangalan sa iba’t ibang panahon. Madaling nalalaos ang mga may wagas at dalisay na reputasyon dahil siguro ayaw ng madla sa walang kakulay-kulay na buhay. At okey lang na kulay ng putik ang nagpapatingkad sa ningning ng pangalan ng isang idolo. Hinangaan natin si Maria Clara kahit na alam nating anak siya ni Padre Damaso, ang walang pusong pari.

Samantala, ang mga umaayaw lang ang di nagwawagi, ayon nga sa isang kasabihan. Kung ‘di aayaw si Garie sa showbiz, kung hahayaan lang n’yang humupa ang daluyong ng kontrobersya, kung matapang siyang lumusong uli sa showbiz, darating at darating ang panahon na mahuhuli rin n’ya ang kiliti ng madlang Pinoy sa kanyang pagkanta, at malamang na sa paglaon, ay pati na rin sa pag-arte sa harap ng kamera.

At ganu’n din ang pwedeng mangyari sa kanyang inang si Grace– kung may balak pa itong tahakin ang pulitika sa San Juan kung saan kumandidato na yata siya noon pero ‘di pinalad na magwagi. Pag nagsawa na ang media sa pag-uulat sa masalimuot n’yang buhay, iidolohin din ng madla si Grace Ibuna at iluluklok sa mala-showbiz sa ingay at kulay na pulitika.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply